Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 4 (PIA) – Isinailalim sa Capacity Development and Capacity Approach for Climate Change Adaptation Training of Trainors sa lungsod ng Tagaytay noong nakaraang linggo ang mga kinatawan ng siyam na pilot provinces sa bansa na napili sa ilalim ng Millenium Development Goal Achievement Fund (MDG-F 1656) Joint Programme.
Isa ang lalawigan ng Sorsogon na napili bilang pilot province sa rehiyon ng Bicol habang ang walo pang napiling mga lalawigan sa bansa ay ang Antique, Ifugao, Bukidnon, Cavite, Biliran, pangasinan, Surigao del Norte at Agusan.
Ayon kay Von Andre Labalan, Information Officer ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) at isa sa mga kumatawan sa lalawigan, tinipon ang mga kinatawan ng siyam na pilot provinces sa bansa na napili sa ilalim ng MDG-F 1656 Joint Programme sa pangunguna ng National Economic Development Authority (NEDA) at ilang pang mga ahensya ng pamahalaan sa pakikipagtulungan nito sa United Nations Development Programme (UNDP).
Layunin ng pagsasanay na sa pamamagitan ng mga napiling pilot provinces na ito, mapalakas pa ang kakayahan ng Pilipinas kaugnay ng naitatag na Climate Change Adaptation (CCA) program sa bansa.
Inaasahan ding sa pamamagitan ng MDG-F 1656 Joint Programme, matutukoy ng mga lumahok dito ang kanilang mga kahinaan particular ng mga namemeligrong sektor sa kani-kanilang lugar pagdating sa epekto ng Climate Change.
Dagdag pa ni Labalan na inaasahan ding matutukoy ang mga paraan para sa simpleng pagpapaintindi tungkol sa Climate Change Reduction (CCR), mga prayoridad para sa gagawing istratehiya, paraan at desisyon ng pamahalaan at ng mga ahensya nito, pati na ng mga komunidad sa ilalim ng Climate Change Adaptation program, at matukoy din ang pinalakas na kakayahan ng bawat isa sa pamamagitan ng mga tamang sistema na makikita sa magiging resulta ng isasagawang hakbangin ng siyam na mga pilot provinces. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment