Thursday, August 4, 2011

Sorsogon Inter-Agency Anti-Child Labor Committee tinukoy ang ilang child labor practice sa lalawigan

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 4 (PIA) – Muling tinipon kamakailan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kasapi ng Sorsogon Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee (SPIAACLC) at Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team (SBMQAT) upang tasain at talakayin ang mga nagawang hakbang at aktibidad ng mga kasaping ahensya ukol sa paglaban sa child labor sa lalawigan.

Ayon kay DOLE Sorsogon Provincial Head Imelda Romanillos, isa sa mga naging tampok sa pagtitipon ng komite ang pagtukoy sa ilang mga child labor practice sa Sorsogon at mga interbensyong ginawa ng mga kasaping ahensya ng SPIAACLC- SBMQAT.

Ayon kay Romanillos, kabilang sa mga anti-child labor practice na natukoy ay ang pagkunsinti sa mga batang maninisid sa mga malalaking pantalan sa Sorsogon, mga batang namamalimos sa lansangan, namamasukan bilang katulong, pati na rin ang mga batang kinukunsinti o mismong ang mga magulang pa ang nagiging dahilan upang mapilitang magtrabaho sa murang edad ang mga bata sa halip na nasa paaralan o di kaya’y malayang nararanasan ang pagiging bata.

Sa naging pagtaas ng bilang ng child labor sa Pilar lalo na sa pantalan nito, taon pang 2005 ay ipinasa na ng Sangguniang Bayan ng Pilar ang Municipal Ordinance No 007 na sasagip sa mga batang manggagawa, habang ngayong taon naman ay binuo ng lokal na pamahalaan ang Pilar Inter-Agency Anti-Child Labor Committee at Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team.

Aktibo din ang Visayan Forum dito sa Sorsogon sa pagtulong sa adbokasiya ng mga ahensya ng pamahlaan at pagbibigay oryentasyon sa mga local government units sa lalawigan tulad ng anti-child labor framework, RA 9231 o Anti-Child Labor Law, RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at iba pa. (PIA Sorsogon)

No comments: