Wednesday, August 31, 2011

P323-M pondo ng DPWH para sa rehabilitasyon ng mga Class A road sa 1st District ng Sorsogon inilabas na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 31 (PIA) – Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sorsogon 1st District Engineer Romeo Doloiras na nailabas na ang pondong magagamit nila para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng 183-km na kalsada sa unang distrito ng Sorsogon base sa ipinalabas na guidelines ng DPWH para sa mga Class A na kalsada.

Ayon kay Doloiras, lahat ng mga pambansang lansangan na may kategoryang Class A ay dapat na may kapal na siyam na pulgada taliwas sa dating mga ginagawang 6.7 na pulgadang kapal ng lansangan, mas mababa sa standard quality ng isang A-1 road.

Aniya, sa bagong patakaran ng DPWH, ipinapakita na rin ngayon ang pagiging malinaw sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan at ang pagtitiyak sa publiko ng de-kalidad at napapanahong implementasyon ng mga programang ito.

Ipinaliwanag din ni Doloiras na bahagi din ng transparency ng DPWH sa kasalukuyan ang paggamit ng on-line application ng mga nais mangontrata o bidder na nais magsub-contract ng mga proyekto ng DPWH.

Matatandaang alinsunod sa direktiba ni DPWH Secretary Rogelio S. Singson pangunahing adyenda ng pamahalaang Aquino ngayon ang pataasin ang uri at gawing de-kalidad ang mga pambansang lansangan upang maihanay na rin ang Pilipinas sa ibang bansa sa Asya. (PIA Sorsogon)



No comments: