Wednesday, August 31, 2011

Transport Strike sa Sorsogon hindi gaanong sinuportahan ng mga tsuper at operator


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 31 (PIA) – Hindi buo ang ipinakitang suporta ng mga transport group dito sa Sorsogon partikular sa Sorsogon City sa isinasagawang tigil-pasada ngayong araw.

Ito ang obserbasyon ng karamihan matapos na mahigit kumulang ay 50 porsyento lamang ng mga traysikel ang tumigil sa pagpapasada ngayon. Kahit pa nga mas dumalang kumpara kaninang umaga, mangilan-ilan pa ring mga van patungong lungsod ng Legazpi ang bumibyahe hanggang sa kasalukuyan. 

Ayon naman kay Federated Association of Tricycle Operators and Drivers (FASTOD) president Mike Frayna, sa ipinatawag nilang pulong noong Sabado sa kanilang mga miyembro, inihayag ng mga ito na buo ang suporta ng kanilang asosasyon, subalit sakali umanong may mga kolurom na traysikel silang makikita na mamamasada ay mapipilitan silang mamasada rin.

Ito umano ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay may makikita pang namamasadang lehitimong mga traysikel driver sapagkat may mga kolurom na sasakyan pa ring namamasada at hindi patas na nakikiisa sa kanilang adhikain.

Sinabi pa ni Frayna na iniatang na nila sa balikat ng Pinag-isang Samahan ng mga Tricycle Operators Nationwide (PISTON) ang pagsita sa mga papasadang traysikel, kolurom man o hindi.

Ayon naman kay City Schools Division Dr. Virgilio Real, may sinusunod umano silang omnibus rule na sa mga panahong may ganitong transport strike, hindi apektado ang operasyon ng mga paaralan lalo na sa mga baryo. Ngunit may mga malalaking paaralan din dito sa lungsod na nagkansela ng klase upang hindi na umano magkaroon pa ng pagdadalawang isip o kalituhan ang mga magulang at mag-aaral kung may pasok o wala, subalit babayaran nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng klase sa araw ng Sabado.

Samantala, nakaalerto naman ang mga tauhan ng Sorsogon City Police Ofice upang mamantini pa rin ang kaayusan at kapayapaan sa kabila ng ginagawang tigil-pasada ngayon. Ayon kay City Police Chief Arturo Brual, Jr., nakikiisa sila sa hinaing ng mga nasa transport group, subalit kailangan nilang ipatanggal at hindi dapat kunsintihin ang paglalagay ng mga barikada sa lansangan sapagkat ang lansangan umano ay para sa lahat at hindi para sa illan lamang, kung kaya’t hindi ito dapat na harangan.

Sa kabila naman ng kakulangan ng ilang mga tauhan ng ilang mga tanggapan, bangko at iba pang establisimyento dito, patuloy pa rin ang kanilang normal na operasyon.

Yaon namang mga tanggapang may sariling sasakyan ay sinundo ang kanilang mga manggagawa at nakatakda pa rin nila umanong ihatid ang mga ito sa kanilang pag-uwi mamaya. Nakaantabay din ang ilang mga behikulo ng Philippine Army, Philippine National Police at mga Local Government Unit sakaling may mga pasaherong maiistranded. (PIA Sorsogon)

No comments: