Wednesday, August 31, 2011

PhilHealth Sorsogon magsasagawa ng oryentasyon ukol sa kanilang bagong case rate package


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 31 (PIA) – Kaugnay ng pagpapatupad ng bagong case rate package ng Philhealth kung saan makikinabang ang mga miyembro na magkakasakit ng dengue, isang oryentasyon para sa mga doctor at may-ari ng mga ospital ang nakatakdang gawin bukas dito sa lungsod ng Sorsogon upang ipaliwanag sa mga ito ang bagong case rate package ng Philhealth.

Ayon kay Philhealth Sorsogon Provincial Head Alfredo Jubilo, dahilan sa nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa ibang mga lugar sa bansa, nagdesisyon ang Philhealth na ibilang ang dengue sa mga sakit na akreditado ng kanilang tanggapan.

Sinabi ni Jubilo na simula ngayong Setyembre, ipapatupad na ng Philhealth ang kanilang bagong case rate pagkage upang matantiya ng miyembro kung hanggang magkano ang maitutulong sa kanya ng PhilHealth. 

Walong libong piso ang ibabawas ng PhilHealth sa ospital para sa mga may kaso ng Dengue 1 samantala Php 16,000 naman para sa Dengue 2.

Ang Dengue 1 at Dengue 2 ay kabilang sa mahigit dalawampung karamdaman at mga serbisyong nasasaklaw sa bagong case rate pagkage ng PhilHealth.

Ang Dengue 1 ay ang mga kasong hindi pa malala ang sintomas habang ang Dengue 2 ay ang mas malubhang kaso kung saan nakakaranas na ng shock, hemorrhage at organ failure ang pasyente.

Hanggang ngayong araw na lang paiiralin ng PhilHealth ang ‘Fee for Service’ kung saan kailangan pang kwentahin ang magagastos ng miyembro sa ospital, gamot, laboratoryo at bayad sa doktor bago makita ang kabuuan ng benepisyong makukuha.

Samantala, sa Sorsogon, higit na mababa ang naitatalang bilang ng mga kaso ng dengue, subalit sa kabila nito at sa bagong tulong na ibinibigay ng Philhealth ay mahigpit pa rin ang paalala ng mga kinauukulan sa publiko na patuloy pa ring mag-ingat at patuloy na sundin ang ipinapayo ng mga awtoridad sa kalusugan. (PIA Sorsogon)

No comments: