Friday, August 19, 2011

Pagbakuna sa mga aso,mainam pa ring paraan sa pagkontrol ng rabis


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Agosto 19 (PIA) – Vaccination o pagbakuna sa mga aso pa rin ang mas pinipiling paraan ngayon sa buong mundo sa pagkontrol o pagsugpo ng rabis.

Ito ang sinabi ni Sorsogon Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu matapos ilabas ng International Des Epizootes (OIE) o World Animal Health Organization ang kanilang pangako na labanan ang pagkalat ng rabis sa buong mundo.

Ayon kay Dr. Espiritu, sa bawat sampung minuto ay mayroong namamatay sa mundo dahilan sa rabis, habang halos ay limampu’t-limang libong buhay taon-taon ang binabawi ng rabis. Mas marami diumano ang namamatay dahilan sa rabis kaysa sa ibang mga nakakahawang sakit lalo na sa mga papaunlad pa lamang na bansa tulad ng Pilipinas.

Dahil kadalasang aso ang pangunahing tagapagdala ng rabis kung kaya’t mas dapat diumanong bigyang prayoridad ang pagkontrol ng rabis sa mga ito.

Ayon naman sa ilang analyst, sampung porsyento lamang ang kakailanganing pondo ng national Veterinary Services sa buong mundo upang gamutin ang mga taong pinaghihinalaang nakagat ng asong may rabis at upang masugpo pa ang pagkalat nito sa mga aso

Kaugnay nito hinikayat ni Dr. Espiritu ang mga may-ari ng mga aso na makiisa sa kampanya ng pamahalaan at pabakunahan nito ang kanilang alagang aso upang makaiwas sa patuloy pang pagkalat ng rabis at pagkamatay ng mga taong nakakagat ng asong may rabis.

Sinabi pa ni Espiritu na maliban sa pagbabakuna sa mga aso, lahat din ng matatagumpay na programa sa pagsugpo ng rabis ay nakasalalay sa pagkontrol sa paglaki ng bilang ng mga galang aso at sa suporta din ng iba’t-ibang mga awtoridad, kabilang na ang animal health services, environmental officers, kapulisan, non-government organizations, local government units at mga dog owners.

Hamong pinansyal din diumano sa mga may hawak sa rabies control program ang mataas na halaga ng mga vaccines, kung kaya’t mahalaga din aniya na magkaroon ng mga pagsasaliksik at industriya sa pagbuo ng mga bakunang magbibigay ng mahabang proteksyon sa mga aso.(PIA Sorsogon)



No comments: