Tuesday, August 16, 2011

Produksyon ng Palay sa Sorsogon bumagsak, Provincial Agriculture office pursigidong maibangon ang produksyon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 16 (PIA) – Dahilan sa pagdaan ng iba’t-ibang mga kalamidad sa Sorsogon, sinabi ni Assistant Provincial Agriculturist Ma. Theresa Destura na bagsak ang produksyon ng palay at bigas sa lalawigan sa nakalipas na anim na buwan ngayong taon.

Ayon kay Destura ang pagbagsak ng produksyon ay resulta hindi lamang ng mga bagyong nagdaan kundi maging ng walang tigil na pag-uulan at naging pag-alburuto ng Bulkang Bulusan noong Pebrero at Mayo na kadalasang nagdala ng epekto sa mga palayan partikular sa mga palayan ng bayan ng Irosin, ang kinukunsiderang rice granary ng Sorsogon.

Maging ang mga palayan at sakahan sa bayan ng Juban ay hindi rin nakaligtas sa mga kalamidad na ito.

Matatandaan ding umabot sa mahigit walong milyon ang nasira sa agrikultura at aabot sa dalawang libong magsasaka sa siyam na mga bayan ang naapektuhan sa Sorsogon matapos dumaan ang pinakahuling bagyong Juaning.

Kaugnay nito, sinisikap ngayon ng tanggapan ng Provincial Agriculturist na maibangon ang produksyon ng palay sa lalawigan at matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pakikipagkawing sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan upang maibalik ang sigla ng industriya ng palay alinsunod na rin sa kautusan ng Pangulong Aquino na gawing rice sufficient ang bansa.

Nakipag-ugnayan na rin sila diumano kay Sorsogon Governor Raul Lee at nagpalabas na rin ito ng kautusan sa mga local government units sa tulong na rin ng pamahalaang probinsyal na maglabas ng pondo mula sa mga calamity fund nito. (PIA Sorsogon)

No comments: