Thursday, August 18, 2011

Turn-over ceremony ng Core Shelter Assistant Project ng DSWD sa Pto. Diaz isasagawa

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 18 (PIA) – Matatanggap na bukas ang Certificate of Completion and Occupancy ng isangdaang pamilyang benepisyaryo ng Core Shelter Assistance Project (CSAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Brgy. Talisay sa bayan ng Prieto Diaz, Sorsogon.

Inaasahan ang pagdating ni DSWD Sec. Corazon “Dinky” Soliman bilang panauhing pandangal kung saan nakatakda rin itong magbigay ng mensahe at siyang mangunguna sa pamamahagi ng mga sertipikasyon.

Sa unang bahagi ng programang inihanda ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), alas otso ng umaga ay magkakaroon ng misa at pagbasbas sa core shelter project habang sa ikalawang bahagi ng programa ay isasagawa naman ang pamamahagi ng Conditional Cash Grant sa mga benepisyaryo ng Pantawid pamilyang Pilipino Program sa Prieto Diaz.

Sa hapon isasagawa ang paggawad ng certificate of completion and occupancy sa mga benepisyaryo. Dadaluhan din ang nasabing programa ni DSWD Regional Director Remia Tapispisan at ng mga lokal na opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon at pamahalaang bayan ng Pto. Diaz.

Si Flaviano Deuna, benepisyaryo ng CSAP at Provincial Indigenous Person President ang siyang naatasang magbigay ng mensahe ng pagtanggap at pasasalamat.

Ang CSAP ay bahagi ng pagtutulungan ng DSWD, provincial government at pamahalaang bayan ng Prieto Diaz na mailipat ang mga residenteng nakatira sa mga mapanganib na lugar patungo sa mas mataas at ligtas na tirahan.

Matatandaang sa ilalim ng administrasyon ni dating Pto. Diaz Mayor Benito Doma isinagawa ang groundbreaking ceremony ng core shelter project noong November 2009 kung saan dinaluhan pa ito ni dating DSWD Esperanza Cabral at agaran ding sinimulan ang konstruksyon ng mga core houses matapos na mai-turn over din ang dalawampung pabahay sa Brgy. Perlas, dalawampu sa Brgy. Diamante at labinglimang pabahay sa Brgy. San Ramon.

Dalawang ektaryang lupain na ibinigay ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pagsisikap na rin ni dating Gobernador Sally Lee ang pinagtayuan ng core shelter project na ito ng DSWD. (PIA Sorsogon)

No comments: