Lungsod ng Sorsogon, Setyembre 22 – PORMAL na binigyan ng parangal at papuri ng Panlalawigang Pamahalaan ng Sorsogon si General Eduardo San Lorenzo Oban Jr., Martes, Setyembre 21, 2011, bilang pagkilala sa karangalang ibinigay ng pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lalawigan, at bilang isang bantog na Sorsoganon at tanyag na anak ng Castilla, Sorsogon at dahil sa kanyang walang kaparis na tagumpay, pamumuno at kagalingan sa serbisyo sa ating Inang Bayan at mga mamamayang Filipino.
Ang mga katagang ito ang mismong nakasaad sa isang plakeng inihandog ni Sorsogon Governor Raul R. Lee kay General Oban sa ginanap na espesyal na programa para sa magiting na pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kahapon, kung saan dinaluhan ito ni Former Governor Sally Ante Lee; mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines; PNP, LGU at Barangay Officials; at mga Government Employees.
Sa ginanap na seremonya sa Provincial Gymnasium ay nag-alay si Governor Lee ng isang kuwadro ng larawan ng ama nitong si Eduardo Oban Sr. bilang isang alaala para sa heneral, kung saan sa likod ng naturang kuwadro ay may nakalagay na paghahandog na nagpapahayag ng natatanging pagtupad sa tungkulin bilang isang public servant ng matandang Oban.
Sa ngalan ng Gobernador ng lalawigan ay malugod na tinanggap si General Oban ni Madame Sally Lee, kung saan ipinahayag nito ang kanyang kagalakan sa malaking pribilehiyong pormal na pagtanggap sa mabunying panauhin at sinabing ipinagmamalaki aniya ng Sorsogon ang heneral.
Ipinakilala naman ng kababata at kaibigan ng heneral na si Jorge Arellano ang panauhing pandangal at partikular na kinilala ang katangian, tagumpay at mga natanggap na parangal ni Oban bilang isang kadete ng Philippine Military Academy at opisyal ng sandatahan.
Sa ginanap na programa para sa heneral ay nag-alay din ng kanilang mga panukala ang Municipal League of Mayors of the Philippines, sa pamamagitan ng Provincial President nito na si Barcelona Town Mayor Manuel Fortes Jr.; Sorsogon Vice-Governor Kruni Escudero at Sangguniang Panlalawigan, sa pamamagitan nina Board Member Becky Aquino at Sangguniang Panlalawigan Secretary William Delgado; at Association of Barangay Captains, sa pamamagitan ng presidente nito na si Neeson Maraña.
Nakasaad sa naturang mga panukala ang pagpapahayag ng pagmamalaki, karangalan at pagdeklara sa pinuno ng Armed Forces of the Philippines bilang anak at katangi-tanging mamamayan ng Sorsogon.
Nagpahayag naman ng kaniyang lubos na pasasalamat si General Oban sa natanggap na parangal at mga pagpapahalaga, bagama’t hindi umano niya inaasahan ang mga ito.
Aniya, sa kaniyang muling pagbabalik ay nagkaroon siya ng pagkakataong tuntunin ang kaniyang tunay na pinanggagalingan at pagmasdan ang likas na kagandahan ng Sorsogon.
Humanga ang heneral sa nakita nitong malaking pag-unlad at ganap na pagbabago sa lalawigan. Ito ay sa gitna aniya ng mga nagdaang kalamidad at aktibidad ng mga masasamang elemento sa lipunan.
Ayon dito, isang karangalan ang aminin na bawat hibla ng kaniyang pagkatao ay katulad ng bawat Sorsoganon.
Ayon pa rito, labis ang kanyang paghanga sa namumukod na katangian ng mga Sorsoganon at ito ay ang taos-pusong pagtulong sa iba sa gitna ng mga nararanasang kahirapan.
Hangad ng pinuno ng AFP na maging inspirasyon sa mga mamamayang Filipino ang patuloy na pagkakaisa ng mga Sorsoganon.
Nangako itong ibibigay niya ang lahat sa abot ng kaniyang makakaya upang tuparin ang mga inaasahan mula sa natanggap nitong mga pagpapahalaga mula sa kanyang mga kababayan.(Von Andre E. Labalan P.I.O. SPDRMO/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment