Friday, September 23, 2011

Iminumungkahing geothermal exploration sa Mt. Bulusan mahigpit na tinututulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 23 (PIA) – Sinabi ni Abner Ete, Science Research Specialist ng Phivolcs na malaki ang posibilidad na hindi nila bigyan ng exploration drilling permit ang SKI Construction Group, Inc. (SKI CGI)kaugnay ng iminumungkahing geothermal exploration project nito sa Mt. Bulusan at paligid nito.

Ayon kay Ete, maaari diumanong maapektuhan ang kanilang mga instrument at ang accuracy ng kanilang regular na pagtataya sa lagay at aktibidad ng Mt. Bulusan sakaling magsagawa ng mga drilling operation malapit dito.

Tutol din ang ilang mga environmentalist at mga organisasyong nangangalaga sa Bulusan Volcano Natural Park sapagkat maging ang mga likas na yaman sa paligid ng bulkan ay maari din diumanong maapektuhan lalo na’t protected area ang Bulusan Volcano Natural Park. May magiging paglabag din diumano sa Nipas Law kung ipagpapatuloy pa ang balak na ito ng SKI Construction Group.

Naniniwala din ang Bulusan’s Coalition of Constituency and Organizations Resiliently Against Geothermal Energy (CONTRA GE) na ang seguridad pangkalikasan pa rin ang pinakamataas na uri ng seguridad pambansa kung kaya’t tinututulan nila ang iminumungkahing geothermal Exploration sa Mt. Bulusan at paligid nito.

Ayon naman sa ilang mga obserbador at indibidwal, maganda ring mapag-aralan ang geo-physical condition ng lugar upang malaman kung ano ang estado ng paligid ng Mt. Bulusan pagdating sa geothermal production. Subalit dapat na mapakinggan at maisa-alang-alang din ng consultation body ng SKI CGI ang mga saloobin, isyu at agam-agam ng iba’t-ibang mga ahensya at organisasyong may kaugnayan sa Mt. Bulusan tulad halimbawa ng Phivolcs, AGAp-Bulusan, Protected Area Managemetn Bureau (PAMB).

Samantala, sunud-sunod na serye na rin ng public consultation at Information Education Campaign ang ginagawa ng SKI CGI kung saan noong Miyerkules ay ginawa nila ito sa bayan ng Juban habang kahapon naman ay sa bayan ng Bulusan kung saan maraming mga raliyista ang sumalubong sa grupo ng SKI CGI. (PIA Sorsogon)

No comments: