Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 20 (PIA) – Mahigpit ang ipinatutupad na seguridad ngayon sa lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng pagbisita ni Armed Forcs of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo San Lorenzo Oban, Jr. ngayon.
Makikitang nakakalat ang mga kapulisan at mga military partikular sa mga lugar na dadaanan ng convoy ni Gen. Oban.
Ang kanyang pagbisita dito ay kaugnay ng pasinaya ngayon ng 2-classroom building sa Pandan High School sa Brgy. Pandan, Castilla at upang mabisita at makita na rin ang iba pang mga pagsisikap, programa at proyekto ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ipinatutupad dito sa Sorsogon.
Matapos ang gagawing pasinaya ay agad na itong tutuloy sa Sorsogon Provincial Gymnasium para naman sa ibibigay na pagkilala at parangal dito ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pangunguna ni Sorsogon Governor Raul R. Lee.
Ang aktibidad ay bilang pagkilala sa isang tubong Sorsoganon sa mataas na naabot nito sa kanyang karera at sa pagkakaluklok dito bilang Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Si Gen Oban, ang ika-apatnapu’t dalawang Chief of Staff ng AFP, ay tubong Castilla, Sorsogon at kabilang sa Philippine Military Academy “Matapat” Class na nagtapos noong 1979.
Samantala, tiniyak naman ng AFP Sorsogon, ng pamahalaang lokal dito at ng buong komunidad ng Sorsogon na buo ang kanilang suporta sa pamamahala ni Gen. Oban bilang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment