Friday, September 16, 2011

Public consultation para sa Mt. Bulusan exploration project isasagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 16 (PIA) – Dalawang araw na public consultation kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Bulusan, Irosin at Juban ang nakatakdang gawin sa Lunes at Martes, September 19-20, 2011, ng SKI Construction Group Inc. para sa iminumungkahing exploration project sa Mt. Bulusan at sa paligid nito alinsunod sa nakapaloob sa work program ng Department of Energy (DOE) Geothermal Resource Energy Service Contract (GRESCO) No. 2010-01-015.

Ayon kay Albert D. Altura, president at CEO ng SKI Construction Group, Inc., layunin ng konsultasyon na paigtingin ang kanilang Information, Education and Communication (IEC) campaign upang maipaliwanang ng maayos ang exploration project  at mabigyang halaga din ang karapatan ng mga lokal na pamahalaan at kanilang mga nasasakupan, gayundin ang iba pang concerned groups sa pamamagitan ng pagbigay ng kaalaman ukol sa proyekto at mga benepisyo nito, gayundin ang oportunidad para sa bukas na komunikasyon sa pagitan ng SKI at ng mga komunidad bilang “co-existent” sa iisang lokalidad.

Maliban sa pagdinig sa pulso ng publiko ukol sa proyekto, ipiprisinta din sa public consultation ang mga mahahalagang datos ukol sa proyekto, iskedyul ng mga aktibidad, lugar na maaapektuhan o masasakop ng gagawing geo-scientific study at ang environmental compliance ng SKI sa pagpapatupad ng kanilang proyekto.

Tiniyak din ng SKI na walang dapat na ikabahala ang publiko dahil nasa exploration stage pa lamang sila at wala pa sa development phase ng proyekto, kung kaya’t napakahalaga umanong magkaroon muna ng mga konsultasyon ukol dito.

Kailangan umanong magkaroon muna ng pagtaya (assessment) at suriin ang mga kaukulang hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang posibleng panganib na idudulot nito sa kalikasan at sa buhay ng mga tao.

Ayon pa sa SKI, habang nasa pre-development stage pa lamang ang proyekto ay magsasagawa muna sila ng data review, geochemical sampling, geophysical investigation, data evaluation, resource assessment at exploration drilling. (PIA Sorsogon)

No comments: