Thursday, September 15, 2011

Suporta ng UNWFP inaasahang magbubukas ng oportunidad pangkabuhayan sa mga Sorsoganon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 15 (PIA) – Makabuluhan ang naging bunga ng ginawang pagbisita ng mga kinatawan ng United Nation World Food Programme (UNWFP) sa Sorsogon kamakailan kung saan napag-usapan dito ang kasalukuyang suporta ng UNWFP sa lalawigan sa pamamagitan ng kanilang programang Capacity Building on Disaster Preparedness and Response.

Ayon kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, sinamantala niya ang pagkakataon upang ipanawagan sa UNWFP ang mga programang pangkabuhayang maaaring maibigay partikular ang agri-farming sa mga nasa mapanganib na komunidad. Kumpyansa ang gobernador na handa ang pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon kung inisyatiba ang pag-uusapan, subalit nangangamba ito sa mga sirkumstanyang kritikal na makakaapekto sa lalawigan bilang isang multi-hazard province.

Tiniyak naman ng WFP sa gobernador na kahit food aid program ang pangunahing adyenda ng kanilang organisasyon at nakatuon sila sa pagtulong sa mga bayan ng Juban at Irosin ngayon, may mga programang pangkabuhayan din umano silang ibinigay para sa mga pamilyang apektado ng mga kalamidad ayon na rin sa mga kapasidad nito.

Sa ginawa nilang pulong na dinaluhan din ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga opisyal ng army at pulis, Provincial Tourism Officer at kinatawan ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO), masusing tinalakay ang mga Disaster Preparednes and Response projects ng WFP para sa Juban at irosin, Sorsogon ksama na ang pagpapalawak at pagpapaganda pang lalo nito at pagsasa-alang-alang ng ilang mga pangkabuhayang higit pang makakatulong sa kanilang mga benepisyaryo.

Pinasalamatan naman ni Gov. Lee ang UNWFP sa pamamagitan nina UNWFP Consultant Joan Fluren, WFP Programme Officer Abraham Abatneh at WFP Field Monitor Ruby Sinen pagkakapili nito sa Sorsogon bilang beneficiary province ng kanilang mga proyekto. (PIA Sorsogon)


No comments: