Thursday, September 15, 2011

LGU, malaki ang papel sa pagsusulong ng kursong agrikultura sa bansa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 15 (PIA) – Sa pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral ngayon na nagkakahilig sa kursong agrikultura, malaking tanong ngayon kung paanong mahihikayat ang mga magulang at mag-aaral na kumuha ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura maging sa pangisdaan at forestry.

Ayon kay Dr. Higino Ables, Jr., dating dekano ng Bicol University College of Agriculture and Forestry (BUCAF) sa Guinobatan, Albay at dating Vice-Chancellor for Academic Affairs ng University of the Philippines Los Banos (UPLB), ang katanungang ito ay mas higit na masasagutan ng mga Local Government Unit (LGU) dahilan sa ibinigay na sa kanila ang mga serbisyong pang-agrikultura ng pamahalaang nasyunal.

Ang mga LGU diumano ang nasa tamang posisyon ngayon upang tukuyin kung ilang mga magsisipagtapos ang kakailanganin nila at maging ng mga lokal na industriya sa kani-kanilang mga lugar.

Nasa mga LGU na aniya ang pagtukoy kung talaga bang kailangang ipagpatuloy pa ang pagbubukas ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura, pangisdaan at forestry.

Ayon pa kay Dr. Ables higit na magiging epektibo ding katuwang ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ang mga LGU.

Sinabi pa nitong ang pagbaba ng enrolment at pagtaas ng unemployment sa larangan ng agrikultura, pangisdaan at forestry ay naghuhudyat ng pangangailangan ng mga technician at extension training sa lokal na lebel.

Kung kaya’t mungkahi ni Dr. Ables ang pagkakaroon ng ugnayan at pagiging magkatuwang ng mga agri-college at LGU pagdating sa larangan ng pagsasanay at extension work.

Mas mainam din daw na mahikayat ang mga matatalinong mag-aaral na ipagpatuloy ang karera sa pananaliksik sa mga agham pang-agrikultura dahilan sa ito ang natatanging pag-asa upang magkaroon pa ng mga bagong imbensyon para sa siyensya at teknolohiya. (PIA Sorsogon)

No comments: