Wednesday, September 14, 2011

Pamumuno ng kasalukuyang warden nagdulot ng pagbabago sa SPJ


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 14 (PIA) – Ang makataong paraan ng pamumuno ni Warden Josefina Lacdang, ang nagdala ng katangi-tanging pagbabago sa loob ng Sorsogon Provincial Jail (SPJ).

Ilan lamang sa mga pagbabagong ito ang ‘no-harm’ policy sa pamamagitan ng pag-alis ng gang o mga grupo-grupo sa loob at pagbuo ng grievance and arbitration committee na binubuo ng mismong mga bilanggo upang siyang mag-ayos ng kanilang mga gusot at relasyon sa kapwa nila mga bilanggo.

Kapuri-puri na rin ang pagkakaroon ng malinis na mga pasilidad na hindi man makaagapay sa standard ay higit na maaayos at malinis na ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Naging malaking bahagi din sa pagbabagong ito ng mga pasilidad ang tulong na ibinigay ng International Committee of the Red Cross (ICRC).

Nakabuo din ang mga bilanggo ng isang dance troupe na binubuo ng mga lumabag sa RA 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002. Patuloy din ang ginagawang pag-aaral ng mga interesadong bilanggo sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education kung saan tatlumpu’t pitong mga detainees ang kasalukuyang naka-enrol dito.

Yaong mga interesado naman sa pagkanta ay bumuo din ng singing group na siyang tumatayong choir sa tuwing may misa sa SPJ.

May mga livelihood programs din para sa mga bilanggo na maari nilang pagkakitaan at maipadala sa kanilang mga pamilya.

Ayon kay Warden Lacdang, naniniwala siyang mga bilanggo man ay mga karapatan pa rin kung kaya’t itinuturing pa rin niyang tao ang mga ito. Sa pamamagitan ng makataong pamamahala sa SPJ, positibo siyang sa paglaya ng mga ito ay maibabalik ang kanilang pagiging produktibong mga mamamayan.

Ayon kay Major Lacdang, sa ngayon ay umaabot sa 375 na mga bilanggo ang nakaditine sa Provincial Jail kung saan labingwalo dito ay mga babae at tatlong-daan pitumpo’t pito naman ang mga kalalakihan, pinakabata ay dalawampung taon habang ang pinakamatanda naman ay pitumpu’t dalawa. (PIA Sorsogon)


No comments: