Thursday, October 6, 2011

P30-M pondo inilaan para sa mga benepisyaryo ng PaMaNa program

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, October 6 (PIA) – Isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Office of the Presidential Adviser for the Peace Process (OPAPP), Lokal na Pamahalaan ng Sorsogon at pitong mga bayan sa lalawigan na benepisyaryo ng mga programa at proyekto sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PaMaNa) ang binuo upang matiyak na maipatutupad nang maayos ang programang magsusulong ng kapayapaan sa lalawigan.

Nagsanib pwersa din ang mga ahensya ng pamahalaan upang mabuo ang Sorsogon PaMaNa Convergence Unit (SPCU) ang gagawa ng mga inisyatibang pangkapayapaan sa lalawigan na tutulong sa mga komunidad na apektado ng karahasan upang patatagin ito.

Tatlumpong milyong piso sa kabuuan ang ibibigay sa Sorsogon sa pamamagitan ng mga ahensyang magpapatupad ng mga proyekto ng PaMaNa ngayong taon.

Kabilang sa mga bayang mabibiyayaan ng proyekto sa ilalim ng PaMaNa ay ang Casiguran, Irosin, Pto.Diaz, Magallanes, Juban, Barcelona at Gubat.

Ilan sa mga proyektong ipapatupad sa mga abyang ito ang farm to market road, eco-tourism center, pagpapasemento ng mga kalsada, pagsasaayos pa ng Marine Reserve Sanctuary at iba pa.

May iminungkahi ring proyektong pangkabuhayan para sa buong lalawigan na popodohan ng P3.7M upang maisulong ang turismo at ang paggawa ng bayong lalo na ng mga out-of-school youth at mga hikahos na sector ng Sorsogon.(PIA Sorsogon)









No comments: