Wednesday, October 5, 2011

Tamang pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman ng Sorsogon sentro ng usapin sa Sangguniang Panlalawigan

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, October 5 (PIA) – Dahilan sa mga naranasang epekto ng nagdaang mga kalamidad sa Sorsogon, naging laman ng mensahe ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Renato Guban ang kanyang pagmamalasakit sa kapaligiran at adbokasiya sa mga likas na yaman.

Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Guban na ang kanyang karanasan sa Brgy. San Isidro, Bulan, Sorsogon ay isa sa mga konkretong indikasyon na kailangang magkaroon ng tamang pamamahala sa mga kabundukan at mantinihin ang pagkakaroon ng balanseng ecosystem.

Matatandaang sa tuwing nagkakaroon ng malalakas na mga pag-uulan, may bagyo man o wala, ay kapansin-pansin ang pagtaas ng tubig na ikinababahaladi lamang ng mga residente ng Brgy. San Isidro, Bulan, kundi maging ng mga kalapit na barangay na naaapektuhan din nito.

Sinabi rin ni Guban na hindi man sya geology expert, naniniwala siya na may nagaganap na pagkasira sa mga bundok, talampas, sapa at ilog hindi lamang sa bayan ng Bulan kundi maging sa iba pang mga lugar sa lalawigan.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Guban sa mga kinauukulan sa lalawigan na bigyang-pansin ang mga nagaganap na exploitation at pagkakasira ng mga likas na yamang nagbibigay ng mga produktong agrikultural at pangisdaan dito sa Sorsogon at maging ang pagkakaroon ng komprehensibong kamalayan sa kasalukuyang mga kaganapan at kalagayan ng mga likas na yaman dito.

Nais din ni Guban na magsagawa ang Sangguniang Panlalawigan ng imbentaryo ng mga “flora” at “fauna” na tanging dito lamang sa Sorsogon matatagpuan.

Buo naman ang ipinakitang suporta ng konseho sa mungkahi ni Guban kung kaya’t balak nitong imbitahin ang mga eksperto ng University of the Philippines, Los Banos, Laguna upang siyang magsagawa ng nasabing imbentaryo. (HBinaya/PIA Sorsogon)



No comments: