Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, October 3 (PIA) – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month noong tumalikod na buwan, isang aktibidad na tinaguriang “Walk for Peace” ang isinagawa ng mga mag-aaral at mga guro ng San Isidro Elementary School sa Brgy. San isidro, Castilla, Sorsogon at ilang mga piling mag-aaral ng Bicol University sa pakikipagtulungan nito sa Bicol Consortium for Peace and Development sa ilalim ng Office of the Presidential Adviser for Peace Process (OPAPP), 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pamumuno ni Col. Felix J. Castro, Jr. at ng lokal na pamahalaan ng Castilla noong Biyernes, September 30.
Layunin ng aktibidad na imulat ang kamalayan ng mga mag-aaral at ng publiko ukol sa kahalagahan ng kapayapaan at sa mga pamamaraan upang mamantini ang isang mapayapang komunidad.
Sa ginanap na maikling programa matapos ang “walk for peace” sa palibot ng bisinidad ng barangay San Isidro, binigyang-diin ni Lt. Col. Lenart Lelina, Brigade Executive Officer ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army, na nagsisimula ang kapayapaan sa pagmamahal sa sarili upang maipadama ito sa kapwa at sa bayan. Dagdag pa ng opisyal na pangunahing karapatang pantao ang pagsusulong ng kapayapaan sa bawat isa.
Ipinaliwanag din niya sa publiko ang bagong kampanya ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan lahat umano ng aksyon ng AFP ay nakatuon sa tao o yaong tinatawag na ‘people-centered action’ at panguahing misyon ng AFP ang maipanalo ang kapayaan laban sa mga naghahasik ng mga kaguluhan sa komunidad at terorismo sa bansa.
Tiniyak naman ni Dr. Herbert Rosana, director ng Bicol Consortium for Peace and Development ng Bicol University at siya ring kinatawan ng OPAPP na suportado nila ang lahat ng mga paaralang nagsusulong ng mga adbokasiya at programang may kinalaman sa kapayapaan.
Nagpasalamat naman ang punong-guro ng nasabing paaralan, parokya at lokal na pamahalaan ng barangay San isidro at ng bayan ng Castilla. Ayon kay Castilla Mayor Olive Bermillo, maliban sa buong suportang ibinibigay nila sa mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan, nakatakda rin umano silang gumawa ng mga proyektong higit pang magbubuklod-buklod sa lahat ng sektor ng komunidad. Nanawaagn din ito sa lahat ng nakilahok sa ‘Walk for Peace’ na suportahan din ang gagawin nilang tree planting activity sa darating na mga araw.
Ang San Isidro Elemetary School sa Castilla ng napiling Pilot School for Peace ng OPAPP sa rehiyon ng Bicol. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment