Monday, November 21, 2011

18th GSP Provincial Encampment idinaos, pangangalaga sa mundong ginagalawan tinutukan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 21 (PIA) – Naging matagumpay at makabuluhan para sa mga girls scouts ng Sorsogon ang isinagawang 18th Girl Scout (GSP) Provincial Encampment mula Nobyembre 18 hanggang Nobyembre 20, 2011 sa Irosin Central School sa bayan ng Irosin, Sorsogon.

Ayon kay GSP Council Executive Sarah Ebdani tinutukan nila ngayong taon ang temang: Girls Worldwide says… “Together We Can Save Our Planet… Small Actions… Big Changes” upang maimulat sa mga kabataang scout ang kahalagahan ng pangangalaga sa mundong kanilang ginagalawan.

Inspirasyon at hamon naman ukol sa pangangalaga sa kapaligiran at kontribusyon ng bawat isa para sa ikagaganda ng mundo ang iniwan ng mga tagapagsalita na sina Dr. Eduardo B. Ambrocio, Public Schools District Supervisor ng Irosin District, San Julian, Irosin  Brgy. Captain Norberto G. Yu, Dr. Marilyn Dimaano, Schools Division Superintendent ng Sorsogon Division at Irosin Mayor Eduardo Ong, Jr. sa pitong-daan siyamnapu’t tatlong girls scouts na nakilahok sa aktibidad.

Sa Opening program na idinaos noong Biyernes, nagkaroon ng Re-dedication to the Girl Scout Promise and Law ang mga girl scout at sinindihan naman ang Torch for Peace na nagsilbing gabay din ng mga camper sa tatlong araw na inilagi ng mga ito sa camp site.

Ginanap din ang “Mother and Daughter Got Talent” sa unang gabi kung saan nanalo sa solo category ang mag-inang  Lyrah at Lyne Nicole J. Dioneda  ng Sorsogon East Central School habang sa group category ay nanalo naman ang Irosin District na kinatawan ng Sub Camp III.

Maliban sa mga aktibidad na ito ay nagkaroon din ng tree planting at ng arts and crafts activity, performing arts at outdoor adventure at exploration ang mga girl scout.

Sa huling gabi kung saan ginawa ang Camp Fire, hinati sa tatlo at ipinakita ng mga campers ang kanilang mga natatanging palabas na tinampukan ng mga bansa sa Asya, Arabya at Europa.

Ayon sa mga campers, malaking tulong sa kanila ang aktibidad lalo na sa pagmulat sa kanila sa kanilang mga papel na ginagampanan para sa ikaaayos ng kapaligiran at sa ikaliligtas ng mundo laban sa mga mapanirang aktibidad ng mga tao. (PIA Sorsogon)

No comments: