Thursday, November 24, 2011

PRC Sorsogon Chapter hinikayat ang publiko na suportahan ang Million Volunteer Run

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 23 (PIA) – Kaugnay ng deklarasyon ng United Nations na gawing International Year of Volunteers ang 2011, itinakda ng Philippine Red Cross (PRC) ang Red Cross Million Volunteer Run sa ika-4 ng Disyembre, 2011 upang pukawin ang ispiritu ng bolunterismo ng bawat mamamayang Pilipino.

Ayon kay PRC Sorsogon Chapter Board of Director Chair Atty. Arnulfo Perete, ang Million Volunteer Run ay gagawin sa mga pangunahing lungsod at sa 1,494 na mga bayan sa buong bansa sa Disyembre 4.

Aniya, sa Sorsogon, napagkasunduan ng mga board of directors ng PRC Sorsogon Chapter na magsagawa ng limang kilometrong takbo ng kasiyahan o fun run sa palibot ng pangunahing lansangan ng Sorsogon City kung saan magtitipon-tipon ang mga lalahok alas singko y medya ng umaga sa Provincial Capitol Park. Eksaktong alas-sais ng umaga naman sisimulan ang fun run.

Limang-daang piso umano ang registration fee ng bawat tatakbo o sponsor runner na makakatanggap din ng Corporate Humanitarian Certificate mula sa Red Cross at Million Volunteer Kit na naglalaman ng registration rorm, race bib, race map at Red Cross 143 ID card na may Disaster Leader’s Guide, runner shirt, pito o whistle at red cross membership na may isang taong bisang accidental benefit.

Itatampok din sa Million Volunteer Run ang programang 143 ng Red Cross kung saan inihayag ni Perete na ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang may organisadong PRC 143 program. Ang 143 PRC volunteers na binubuo ng isang lider at apatnapu’t-tatlong kasapi sa bawat barangay sa bansa ay sinanay upang makaagapay sa pagpapababa ng mga panganib sa komunidad dala ng kalamidad.

Lahat umano ng malilikom na halaga sa gagawing Million Volunteer Fun Run ay ibibigay sa mga bansang labis na naapektuhan ng paghagupit ng mga natural na kalamidad.

Samantala, sinabi din ni Perete na suportado ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang international statement vision ng Philippine Red Cross na gawing Red Cross Volunteer Capital of the World ang Pilipinas. (PIA Sorsogon)


No comments: