Friday, November 18, 2011

Drug Abuse Prevention Seminar isinagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 18 (PIA) – Isang seminar na tumatampok sa pagsugpo sa pag-aabuso sa droga ang isinagawa sa The Lewis College (TLC), Sorsogon City kahapon ng umaga, sa pangunguna ng Police Community Relations (PCR) Speaker’s Bureau ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO).

Ayon kay PCI Martin G. Batacan, hepe ng PCR ng SPPO, ang aktibidad na nilahukan ng mga guro at mag-aaral sa 3rd year at 4th year sa TLC ay isinagawa bilang bahagi ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week.

Ayon kay Batacan, ang pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week ay alinsunod sa Presidential Proclamation No 124 na inilabas noong ika-21 ng Nobyembre, 2001 na nagdedeklarang bawat ikatlong lingo ng Nobyembre taon-taon ay ipagdiriwang ito.

Ngayong 2011 ay ipinagdiriwang ito mula Nobyembre 13 hanggang sa Sabado, Nobyembre 19 kung saan may tema itong “Global Action for Healthy Communities”.

Naging mga tagapagsalita sina SPO2 Nestor J. Aguirre kung saan tinalakay nito ang tungkol sa iba’t-ibang mga epekto ng mga ipinagbabawal na droga sa katawan ng isang indibidwal na gumagamit nito.

Tinalakay naman ni National Police Commission (NAPOLCOM) Sorsosgon Provincial Officer Atty. Louie Toldanes ang Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001. Ipinaliwanang din niya ang mga penalidad o parusa na nakapaloob sa nasabing batas.

Maliban sa ginawang seminar na ito sa TLC, tiniyak ni Batacan na magpapatuloy pa ang pagsagawa nila ng mga serye ng seminar ukol sa ipinagbabawal na gamot sa mga paaralan dito sa lalawigan ng Sorsogon sa mga darating na araw kahit tapos na ang selebrasyon ng Drug Abuse Prevention and Control Week. (SPPO/PIA Sorsogon)

No comments: