Monday, November 14, 2011

‘Takbong Maharlika Tungo sa Pagkakaisa’ sa Sorsogon sinimulan na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 14 (PIA) – Dumating sa Sorsogon ang grupo ng mga nakilahok sa isinasagawang ‘Takbong Maharlika Tungo sa Pagkakaisa’ na pinangunahan ni Retired PCSupt Samson Tucay at kasama nitong runner na si Rev. Fr. Carmelo Diola noong Biyernes, Nobyembre 11, 2011, bandang alas-sais y medya ng gabi sa Kilometro 544, Brgy. Esperanza, bayan ng Pilar dito.

Ayon kay PCI Martin G. Bacatan, hepe ng Police Community Relations ng Sorsogon Police Provincial Office, ang ‘Takbong Maharlika Tungo sa Pagkakaisa’ ay nagsimula noong Hulyo 15, ngayong taon, sa Laoag City at matatapos ito sa Zamboanga City kung saan tinatayang nasa 2,888 kilometrong sakop ng Maharlika Highway ang tatakbuhin ng mga kalahok na magtatagal sa loob ng halos ay pitong buwan.

Sinabi pa ni Bacatan na sa pagdating ng grupo ng mga tumakbong kapulisan sa bayan ng Castilla mula sa lalawigan ng Albay sa pangunguna ni Albay Provincial Director PSSupt William Solano Macavinta, ay nagkaroon ng turn-over ceremony kay Sorsogon Police Provincial Director PSSupt John CA Jambora at mga kapulisan dito na siyang sumalubong sa dumating na grupo mula sa Albay.

Tatakbo naman ang grupo mula sa Sorsogon sa loob ng limang araw mula sa Km post 544 sa Brgy. Esperanza, Pilar, Sorsogon hanggang sa Km post 646 sa Brgy. Caloocan, Matnog, Sorsogon na may total na 119.5 kilometro. Tatakbo ang mga ito ng labingdalawang (12) kilometro sa umaga at labindalawang kilometro sa hapon hanggang sa makarating sa bayan ng Matnog. Inaasahang matatapos ito dito sa Sorsogon bukas.

Mga pulis na nakadestino dito sa Sorsogon at iba pang mga interesadong kasapi ng mga government at mga non-government organizations dito ang nakilahok sa nasabing aktibidad. Layunin nitong magkaroon ng pambansang pagkakaisa, magkaroon ng healthy lifestyle at mamantini ang pagiging physically fit ng mga kapulisan at mga makikilahok dito. Nais din ng PNP na manatili silang inspirasyon sa publiko sa pamamagitan ng aktibidad na tulad nito at mamantini ang kooperasyon ng publiko na magkaroon ng kapayapaan sa komunidad. (SPPO/PIA Sorsogon)

No comments: