Monday, November 14, 2011

Pagresponde ng komunidad sa panahong may sunog, tinututukan ng BFP Bulan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 14 (PIA) – Higit pang paiigtingin sa ngayon ng Bureau of Fire Protection Bulan sa lalawigan ng Sorsogon ang mga gagawing pagsasanay at seminar sa mga baragay na sakop ng ahensya upang maturuan ang mga mamamayan ukol sa pag-iwas sa pagkakaroon ng sunog at kung paanong umapula nito.

Ito ay matapos na naging hamon para kay SFO4 Tomas D. Dio, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection sa Bulan, Sorsogon ang naganap na sunog noong Sabado, Nobyembre 12, 2011 sa Brgy. Inararan, Bulan dahilan upang paigtingin pa niyang lalo ang kampanya sa pagtulong ng komunidad sa pagresponde sa panahong nagkakaroon ng sunog.

Ayon sa kanya, bagama’t walang naitalang sugatan o namatay sanhi nito ay nadamay naman ang dalawa pang kabahayan at ang Barangay Hall ng Inararan.

Sinabi ni Dio na bagamat mandato ng BFP na protektahan ang mga mamamayan laban sa pagkasira at pagkawala ng kanilang mga ari-arian at buhay, mahalaga pa ring mabigyan hangga’t maari ang bawat mamayan ng kaukulang kasanayan sa mga dapat gawin kasama na ang basic rescue techniques kapag may sunog.

Dagdag pa ni Dio na hihikayatin din niya ang mga opisyal ng mga barangay na bumuo ng Fire Brigade sa kani-kanilang mga lugar upang maiwasan ang posibilidad ng pagkalat pa ng apoy at paglaki pa ng perwisyo dala ng sunog.

Dodoblehin din umano nila ang kampanya lalo sa mga lugar kung saan karamihan sa mga kabahayan ay gawa sa mga materyal na madaling kapitan ng apoy.

Muli din niyang pinaalalahanan ang publiko na pag-ibayuhin pa ang pag-iingat at tiyaking napatay nilang mabuti ang apoy sa kanilang mga lutuan bago nila iwan ang mga ito. Maging ang kalagayan ng mga electrical installation at iba pang mga kagamitan sa kabahayan ay dapat din umanong regular na inspeksyunin upang matiyak na nasa ayos pa rin ang mga ito at maiwasan ang maaaring pagmulan ng sunog.  (PIA Sorsogon)

No comments: