Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 20 (PIA) – Inihayag ni Philippine Red Cross Sorsogon Chapter Administrator Salvacion Abotanatin na puspusan ang ginagawang blood typing activity ngayon ng kanilang tanggapan bilang paghahanda sa pagbubukas ng kanilang blood services facilities o blood bank.
Ayon kay Abotanatin, sa pagbubukas ng kanilang blood services facilities ngayong darating na Hunyo 2012, tatlong uri ng paghahanda ang ginagawa nila kung saan sa phase 1 ay ginagawa nila ang blood typing, pagrerekrut ng mga blood donor sa phase 2 habang blood donation activity naman ang sa phase 3.
Kaugnay nito, sinabi ni Abotanatin na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan ngayon sa iba’t-ibang mga tanggapan, establisimyento at mga organisasyon dito lalo na sa lungsod ng Sorsogon upang makakuha ng mga interesadong sumailalim sa blood typing.
Target nila sa kanilang blood typing activity ang mga may edad labingwalo (18) hanggang animnapu (60), babae man o lalaki, may average na timbang na limampung kilo at may maayos at malusog na pangangatawan.
Minimal na halaga din umano ang kukunin nila sa mga magpapa-blood type para sa mga gagagamiting kagamitan tulad ng alcohol, bulak, blood lancet, typing sera, slides at iba pa, at para sa ibibigay na Red Cross Blood Typing Card na maaari nilang ipakita at gamitin ng libre sakaling nais nilang magkonsulta at libre din silang maiiksamen sa Hepa B at Hepa C, HIV, Malaria at Syphilis sa tuwing nagsasagawa ng blood donation activity ang PRC.
Mas mainam umanong alam ng bawat isa kung anong type o uri ang kanilang dugo nang sa gayon ay hindi na mahihirapan pa sakaling magkaroon ng emerhensya o maghanap ng dugong kauri nila sa panahong may nangangailangan nito.
Samantala, sinabi ni Abotanatin na magiging susunod na hakbang din nila ang paghahanap ng mga target na blood donor para sa kanilang blood services facilities. Magiging malaking tulong din umano ito upang magkaroon ng sapat na suplay ng dugo sa lalawigan at hindi na dadayo pa sa labas ng lalawigan makakuha lamang ng dugo sakaling mangailangan.
No comments:
Post a Comment