Wednesday, February 22, 2012

Programa ng PCA pinalalawak pa; produksyon ng niyog patataasin


Programa ng PCA pinalalawak pa; produksyon ng niyog patataasin
Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 22 (PIA) – Inihayag ni Philippine Coconut Authority Provincial Director Alejandro Olaguera na mas pinalawak nila ngayon ang Salt Fertilization program ng ahensya na may layuning mapataas pa ang produksyon ng niyog at maiiwas ito sa mga pesteng maaaring umatake sa bunga ng niyog.

Ayon kay Olaguera, mas pinalalawak nila ang pamamahagi ng mga asin upang gawing abono sa mga niyog upang maibalik ang dating maganda at mataas na ani ng niyog lalo pa’t buo ang suporta ng Department of Agriculture sa kanila.

Matatandaang sinabi ni PCA Administrator Euclides Forbes sa naging pagbisita nito dito sa Sorsogon kamakailan na may itinalagang pondong aabot sa P60 milyon ang DA para sa pagpapatupad nila ng kanilang mga proyekto sa buong bansa kung saan sakop nito ang patuloy na rehabilitasyon ng mga puno ng niyog na naaapektuhan ng sakit na “Cadang-Cadang”, malawakang coconut re-planting at intercropping program.

Ang Cadang-cadang ay isang klase ng peste kung saan ang dahon ng punong niyog ay nagsisimulang magkapatse-patse ng kulay dilaw na kung titingnan sa liwanag ng araw ay tila binabad sa tubig, lumalaki ang mga pesteng ito hanggang lumiit at lumutong ang mga dahon. Dahil dito, hindi na gaanong makapamulaklak ang puno at hindi na makabuo ng niyog. Unti-unting nauubos ang mga dahon, hanggang tuluyan na itong mamatay. Sa pag-aaral ng Pambansang Siyentipiko ng Pilipinas Jose R. Velasco, natuklasan nitong ang Cadang-cadang ay sanhi ng abnormal na kundisyon ng lupang nakakalason para sa punong niyog.

Subalit sa kabila ng paglabas ng pesteng ito, buo pa rin ang tiwala ni Olaguera na muling sisigla ang produksyon ng niyog sa lalawigan. Aniya, nagsasagawa na ang kanilang tanggapan ng pag-inspeksyon sa mga kaniyugan dito upang matukoy kung may mga puno ng niyog na apektado ng “Cadang-Cadang” virus. Mamarkahan nila umano ito at puputulin kung kinakailangan at kung hindi naman ay isasailalim nila sa rehabilitasyon upang maprotektahan at tuluyang mapalago ang produksyon nito lalo pa’t nakatakdang magtayo ng coconut water plant sa Sorsogon City.

Samantala, inamin naman ni Olaguera ang kakulangan sa mga tauhan ng tanggapan ang isa sa mga salik kung bakit hindi gaanong natututukan ang illegal na pagpuputol ng mga puno ng niyog, kung kaya’t hiniling nito sa publiko at sa mga taga-media na tulungan sila sa kanilang kampanya laban sa illegal na aktibidad na ito. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: