Tuesday, February 21, 2012

Sorsogon ligtas pa rin sa red tide - BFAR

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 21 (PIA) – Wala pa ring dapat na ikabahala ang mga Sorsoganon sa panganib na dala ng red tide.

Ito ang inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BAFR) sa pinakahuling resulta ng pagsusuri na ipinalabas nito noong nakaraang linggo.

Matatandaang halos ay mag-iisang taon na ring naalis ang shellfish ban sa Sorsogon matapos ideklarang negatibo na sa Paralytic Shellfish Poisoning (PSP) ang Juag Lagoon sa bayan ng Matnog at ang Sorsogon Bay sa palibot ng mga kostal na bahagi ng Sorsogon City, Casiguran, Juban, Magallanes, Castilla at Pilar.

Sa Shellfish Bulletin No. 4 na pirmado ni BFAR Officer In-Charge Atty. Benjamin Tabios, Jr. tanging ang mga sumusunod na lugar ang lumabas na positibo sa Paralytic Shellfish Poisoning (PSP) sanhi ng red tide: Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental, Masinloc Bay sa Zamboanga, Bataan Coastal Waters, Matarinao Bay sa Eastern Samar at Wawa sa Bani, Pangasinan.

Ang mga katubigan sa Bolinao at Anda sa Pangasinan ay nagpositibo na rin sa lason ng red tide.

Kaugnay nito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagkain ng lahat ng uri ng shellfish tulad ng tahong, tulya, talaba at iba pa na makukuha mula sa mga lugar na apektado ng red tide.

Samantala, sa sulat na ipinadala ni Provincial Agriculturist – Fisheries Division Chief Serafin Lacdang kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, nilinaw nito na walang kinalaman sa Paralytic Shellfish Poisoning ang mga sintomas na naramdaman ng apat na mga pasyenteng dinala sa Dr. Fernando B. Duran Sr. Memorial Hospital o mas kilala bilang Sorsogon Provincial Hospital noong ika-14 ng Pebrero, 2012.

Sa pahayag ng mga pasyente, nakaramdam sila ng pagtatae, pagsusuka at sakit ng ulo matapos na kumain ng tanghalian sa isang despidida party kung saan isa sa mga inihaing pagkain ay ang pen shell o kilala sa lokal na tawag na ‘baloko’, unang hinala ng mga ito na nabiktima sila ng PSP.

Subalit matapos ang imbestigasyong ginawa ng grupo ng tanggapan ng Provincial Agriculturist–Fisheries Division at ng mga doktor na tumingin sa mga pasyente, lumabas sa resulta na walang kinalaman sa PSP kundi food poisoning ang naging sanhi ng mga naramdaman nilang sintomas.

Napawi naman nito ang agam-agam na naramdaman ng mga ito at nagbigay din ng katiyakan ang resultang inilabas na nananatiling ligtas pa rin sa red tide ang katubigan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: