Monday, March 19, 2012

Butanding sa Donsol dinadagsa na ng mga turista


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 19 (PIA) – Inihayag ng pamunuan ng Sorsogon Provincial Tourism Office na patuloy na tumataas ang bilang ng mga turistang dumadayo sa bayan ng Donsol, Sorsogon upang makita at makasalamuha ang pinakamalaking isda sa buong mundo, ang Butanding o Whaleshark.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis, dagsa na ang mga dayuhan at lokal na turista sa Donsol upang makita ang pamosong Butanding. Aniya, sa katunayan ay fully booked na ang lahat ng mga inns, hotel at resort sa lugar simula pa noong December 2011 hanggang Mayo ngayong taon at nagkakaubusan na rin ng reservation maging ang mga homestay doon, at inaasahang patuloy pa ring dadagsa ang mga turista sa susunod na mga araw hanggang sa buwan ng Hunyo.

Aniya, nasa pito hanggang sampung mga Butanding ang makikita sa kasalukuyan at patuloy pa umano itong tataas sa mga susunod pang mga araw.

Dagdag pa ni Racelis na abala din sa ngayon ang Donsol Municipal Tourism Office sa kanilang consolidation of statistics ng mga dumadayong turista para sa first quarter ng taong 2012.

Sinabi pa ni Racelis na patuloy din ang patuloy din ang ginagawang pagbibigay impormasyon at pag-oorganisa sa mga barangay ng Provincial Tourism office upang mapataas ang kanilang kamalayan ukol sa pangangalaga sa mga yamang pangturismo sa kanilang bayan lalo na ang mga Butanding na nasa kanilang karagatan. Minamantini din nila ang mga patakarang itinakda ng World Wildlife Fund para sa tamang pangangalaga ng mga Butanding.

Samantala, dumating naman noong Biyernes sa Donsol ang tatlongdaan limampung mga kasapi ng National Councilor’s League of the Philippines (NCLP) upang personal nilang makita ang mga Butanding bilang bahagi ng exposure at package tour na inihanda para sa kanila sa tatlong araw na NCLP 1st Quarter National Executive Officers and National Board Meeting na ginanap sa lungsod ng Legazpi noong nakaraang linggo. Layunin ng exposure tour na ito na maipakilala sa mga delegado mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang mga ipinagmamalaking tourist destination sa rehiyon ng Bikol. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: