Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, March 20 (PIA) – Muling binalaan ng pamunuan ng Provincial Health Office ang mga Sorsoganon na mag-ingat laban sa tinatawag nilang ‘silent killer’ o sakit sa puso at high blood.
Sa paliwanang ni Dr. Renato Bolo, Jr., medical officer II ng Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital o mas kilala bilang Sorsogon Provincial Hospital, nangunguna pa rin ang heart disease o sakit sa puso sa listahan ng mga sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, hinikayat ni Dr. Bolo ang mga mamamayan na ugaliin ang pagbisita sa mga health center upang alamin ang kanilang regular na blood pressure at humingi ng kaukulang payo sa mga health personnel o doktor.
Ipinaliwanang din niya na base sa Seventh Report of the Joint National Committee on Prevention, Detection, Evaluation, and Treatment of High Blood Pressure o JNC7 matrix, kinukunsiderang normal kung nasa 120/80 ang blood pressure ng isang indibidwal, habang nasa pre-hypertension stage kung mataas sa 120 hanggang 139 ang diastolic at mataas sa 80 hanggang 89 ang systolic.
Hypertension stage 1 ang 140 hanggang 159 diastolic at 90 hanggang 99 na systolic, habang Hypertension stage 2 naman ang 160 diastolic pataas over 100 systolic pataas.
Dahilan dito, sinabi ni Dr. Bolo na dapat nang maging alerto at bantayan ng isang may high blood o alta presyon ang mga uri ng pagkaing kinakain niya at maging ang kanyang kabuuang lifestyle.
Pinayuhan din niya ang mga suspected high blood patient na umiwas na sa sobrang puyat, pagkainis, galit, pagod, mga pagkaing matatamis, maaaalat at matataba, pag-inom ng alak at paghithit ng sigarilyo.
Binigyang-diin din ni Dr. Bolo na walang ibang makagagawa ng tamang pangangalaga ng puso at pag-iwas sa sakit na dadapo dito kundi ang sarili lamang at mas makabubuting sundin na lamang ang mga ipinapayo ng doktor at eksperto sa kalusugan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment