Thursday, March 22, 2012

Local DRRMC patuloy ang abiso sa publiko na mag-ingat sanhi ng pabago-bagong panahon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 22 (PIA) – Patuloy ang ginagawang monitoring at pag-uugnayan ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management  Council  sa lalawigan ng Sorsogon kaugnay ng walang humpay na pag-uulan simula pa noong linggo ng gabi hanggang kagabi upang malaman ang kundisyon ng mga mamamayan dito.

Ayon sa Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office kahit pa nga lumabas na rin ang araw ngayon ay nakaalerto pa rin ang kanilang rescue unit sa mga epekto ng nakalipas na mga pag-uulan lalo sa mga aydetipikadong lugar sa buong probinsya.

Inabisuhan din ng SPDRMO ang mga residenteng nakatira malapit sa mga paanan ng bundok, mga ilog at sapa at mga nakatira sa mababang lugar na maging alerto, doblehin ang pag-iingat at maging handa lalo sa panahong walang tigil ang pag-uulan. Pinayuhan din ang publiko na ugaliin ang pakikinig sa mga abisong pangkaligtasang ibinibigay ng mga awtoridad ng pamahalaan.

Samantala, kahapon ay may ilang mga ulat ng pag-apaw ng spillway sa ilang mga lugar dito tulad ng Bulan kung saan naging lampas tuhod din ang tubig dahilan upang hindi makadaan ang ilang mga mag-aaral at mga residente.

Sa bayan at Casiguran naman, tumaas din ang tubig sa ilog na sakop ng mga Barangay ng Sta. Cruz, Escuala, Rizal at Tigbao na naging sanhi upang umapaw ang spillway at dahilan upang hindi makadaan ang mga maliliit a sasakyan at mga residente ng apat na barangay.

Base naman sa ulat ng Sorsogon Provincial Police office, may isang animnapung gulang na ginang din ang naiulat na inanod ng malakas na agos ng tubig kahapon habang tumatawid sa binahang spillway sa boundary ng Brgy. Sapnangan, Bulusan, Sorsogon at patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad hanggang ngayon.

Wala namang naiulat na mga pagguho ng lupa habang patuloy na sinusubaybayan ng mga awtoridad ang mga lugar na madalas ay apektado ng mga kalamidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)







No comments: