Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 14 (PIA) – Sa
pagpapaigting pa ng kampanya ukol sa human trafficking, patuloy ang pamahalaan
sa panawagan nito sa publiko lalo na sa mga menor de edad sa kanayunan na
pag-ibayuhin pa ng mga ito ang pag-iingat laban sa mga masasamang elemento.
Ang human trafficking ay isang makabagong
anyo ng pang-aalipin, pang-aabuso at krimen laban sa tao kabilang na ang
sapilitang prostitusyon at child labor, at upang masugpo ang ganitong uri ng
krimen, malaking bahagi ang aktibong partisipasyon ng buong komunidad.
Ayon sa Inter-agency
Council Against Child Trafficking (IACAT), malimit
maganap ang Human Trafficking sa malalayong barangay at mahihirap na mga lugar
kung kaya’t pursigido ang anti-human trafficking task force na binubuo ng mga
ahensya ng pamahalaan at mga partner nito kabilang na ang Phil. National
Police, Department of Interior and Local Government, Philippine Information
Agency, Department of Justice, Department of Social Welfare and Development at
iba pa na masugpo ang ganitong uri ng krimen.
Ayon kay Atty. Ryan Inoncencio
ng IACAT dapat na maiparating agad sa awtoridad ang mga kaso ng human
trafficking upang mailigtas ang mga inosenteng mabibiktima ng sistemang ito ng pangangalakal
ng tao. Aniya, kadalasang biktima nito ay mga kababaihan, subalit hindi rin
isinasantabi na may mga kalalakihang menor de edad na nabibiktima din. 80
porsyento sa kanila ay ibinebenta sa mga casa at prostitution den.
Ayon naman sa local
inter-agency task force against human trafficking dito, ang probinsya ng
Sorsogon ay daanan at lagusan ng mga human traffickers kung kaya’t
binabantayan nila partikular ang mga pantalan ng Pilar,Donsol,Matnog at Bulan
kung saan dito madalas na itinatawid ang mga nakukuha nilang biktima patungong
Metro Manila.
Sinabi ni Atty Inocencio na
malaki ang papel na ginagampanan ng lokal na pamahalaan (LGU) upang matigil ang
malawakang recruitment sa mga barangay at kanayunan. Dapat din aniyang magkaroon
ng maaayos na pagpapatupad ng business regulation system lalo na sa mga
panggabing establisimyento tulad ng mga bar o night club upang makontrol ang
pagbibigay suporta sa pangangalakal ng mga tao. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment