Tuesday, July 3, 2012

Pagdiriwang ng PCR Month ng mga kapulisan sa Sorsogon opisyal nang sinimulan


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 3 (PIA) – Nakikiisa ang Police Provincial Office (PPO) ng Sorsogon sa buong kapulisan sa bansa sa pagdiriwang ng Police Community Relations (PCR) Month sa ikalabing-pitong taon nito ngayong 2012.

Ang isang buwang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 764 na nagdedeklara sa buwan ng Hulyo bawat taon bilang buwan ng PCR. Ang National Police Commission (NAPOLCOM) ang siyang naatasan bilang pangunang ahensyang mangunguna sa pagdiriwang nito.

Ayon kay PSI Eliza Paje, sa unang araw ng Hulyo ay naglagay na ang mga kapulisan ng streamer at kahapon ay opisyal nang sinimulan ang pag bubukas ng selebrasyon sa pamamagitan ng tradisyunal na Flag Raising Ceremony.

Ilang mga parangal din ang iginawad sa mga sumusunod: Sorsogon City bilang Best LGU at ang parangal ay tinanggap ni Retired Chief Superintendent Ireneo B. Manaois na siya ring Administrator ng lungsod ng Sorsogon; Bicol Emergency Response Network, Sorsogon Chapter bilang Best Non-Government Organization; Brgy. Catamlangan Pilar, Sorsogon bilang Best Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).

Best PCR- Municipal Police Station naman ang Bulan Municipal Police Station; Best PCR City Police Station ang Sorsogon City Police Station; habang napili naman bilang Best PCR Police Non-Commissioned Officer si SPO2 Edgar A. Calupit Sr.

Ayon kay NAPOLCOM Sorsogon Hearing Officer Atty. Louie E. Toldanes na siya ring naging panauhing pandangal at tagapagsalita sa aktibidad kahapon, ang tema ngayong taon ay pagpapakita lamang ng establisado at patuloy na samahan at pag-uugnayan ng komunidad at ng mga kapulisan upang makamit ang mas ligtas, maayos at maunlad na pamayanan.

Tema sa pagdiriwang ngayong taon ng PCR Month ang: “Mamamayan at Kapulisan: Patuloy ang Ugnayan sa Higit na Ligtas, Mapayapa at Maunlad na Pamayanan”. (BARecebido, PIA Sorsogon/ SPPO-PCR)



No comments: