Friday, October 26, 2012

Resulta ng ALDA Survey inilabas na ng DAR



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 26 (PIA) – Iprinisinta na ng grupo ng Agrarian Reform Communities’ Level of Development Assessment (ALDA) ang resulta ng ginawang survey matapos ang mahabang prosesong pinagdaanan ng ALDA na ginawa ng Department of Agrarian Reform–Beneficiaries’ Development Coordinating Division(DAR-BDCD) Sorsogon.

Nagsagawa ng survey ang ALDA sa pangunguna ni Lucy Vitug, Department Head ng ARCs kasama ang iba pang mga tauhan ng DAR upang malaman ang antas ng pag-asenso ng mga Agaraian Reform Communities (ARCs) at ng mga People’s Organizations (POs) sa probinsiya ng Sorsogon.

Base sa resulta ng ALDA, tatlong ARCs na nasa pinakamataas na antas (level 5) noong 2010 ang bumaba at naluklok sa level 4 noong 2011. Kabaliktaran naman sa naging resulta ng survey sa People’s Organizations kung saan noong 2010, tatlo ang nasa level 4 subalit tumaas at naabot ang pinakamataas na antas noong 2011. Habang mayroon namang ibang mga ARC at PO na nanatili sa kani-kanilang antas ng pag-asenso.

Sa paliwanag ni Vitug ukol sa naging resulta ng survey, sinabi nitong malaki ang posibilidad na sa pagsagawa ng random sampling, nagkataong karamihan sa mga naging respondent ay yaong mga magsasakang kabilang sa mga hirap ang kalagayan sa buhay.  May mga magsasaka din umanong nakapanayam na hindi nagsasabi at itinatago ang totoo nilang kita, habang ang iba naman ay sadyang pinabababa pa ang halaga ng kanilang kita kung kaya’t naapektuhan ang resulta ng survey.

Dahilan dito, sinabi ni DAR Provincial Officer Roseller R. Olayres na dapat pang magsikap ang mga Development Facilitators at Municipal Agrarian Reform Officers (MAROs) upang umunlad ang lahat na mga ARC at PO.

Aniya, kung mahalaga ang mga aktibidad sa ilalaim ng Program Beneficiaries’ Development (PBD) o ang mga aktibidad ng DAR na nagbibigay ng suporta sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), importante ding unahin ang mga aktibidad sa ilalim ng Land Tenure and Improvement (LTI) o ang mga aktibidad ng DAR na may relasyon sa pamamahagi ng mga lupa.

Ipinaliwanag din ni Vitug na kung mataas ang resulta ng ALDA level, higit na nabibigyan ng pribilihiyo ang mga ARC at PO sakaling may mga dumarating na espesyal na proyekto ang ahensya sapagkat mas tiwala umano ang mga sponsor financial institution na may kakayahan talagang magbayad at mapamahalaan ng mga magsasaka o benepisyaryo ang proyektong pinaglaanan nila ng kapital. (BARecebido, PIA Sorsogon/AJArbolente, DAR)

No comments: