Tagalog News
SORSOGON PROVINCE – Matapos ang biglaang pagbuga ng abo ng bulkang Bulusan noong Sabado na ikinagulat ng mga residente, patuloy pa ring nakakapagtala ang Phivolcs ng mga pagbubuga ng abo mula sa bunganga ng bulkan hanggang sa kasalukuyan.
Kaninang bandang alas-sais kwarenta y singko ng umaga ay muling nagbuga ng maiitim na abo ang Mt. Bulusan na may taas na 700 meters na nagtagal ng halos ay limang minuto, mas mataas at matagal kumpara noong Sabado.
Tinumbok pa rin ng mga abo ang NorthWest direction kung saan apektado pa rin ang mga Casiguran proper at San Antonio sa Casiguran, at ang mga Barangay ng Añog, Cogon at Rangas sa bayan ng Juban.
Sa text message na ipinadala ni Casiguran Mayor Ester Hamor, may mga naitala na ring evacuees sa bayan ng Casiguran partikular sa Brgy. Inlagadian at Gimaloto.
Umaabot naman sa 28 mga volcanic earthquakes ang naitala ng Phivolcs nito lamang nakalipas na 24 na oras.
Kaugnay nito, sinabi ni Bulusan Volcano Observatory resident volcanologist Crispulo Diolata na nagtalaga na sila ng quick response team na susubaybay sa mga aktibidad sa palibot ng bulkan.
Dapat din aniyang handa ang mga awtoridad at ang mga komunidad sa palibot ng bulkan lalo pat laging nandiyan ang posibilidad na maaaring magkaroon din ito ng mas malaks pang aktibidad sa mga susunod na araw tulad ng naganap noong 2006 kung saan sandaling tatahimik ito at muling magluluwa ng abo at lahar.
Matatandaang itinaas sa alert level 1 ang sitwasyon ng Mt. Bulusan noong Sabado at ipinagbawal ang pagpasok sa 4-km Permanent Danger Zone dahilan sa abnormal na mga paggalaw na ipinapakita nito at sa posibilidad ng mga biglaang pagbuga ng usok.
Ang Bulusan Volcano ang ikaapat sa 22 aktibong bulkan sa Pilipinas. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment