Wednesday, November 10, 2010

MT. BULUSAN UPDATES

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Nov. 10) – Dalawang ulit na nagbuga ng abo ang Mt. Bulusan, isang bandang alas-tres y medya ng hapon na may isang kilometro ang taas na sinundan bandang alas-tres kwarenta y tres, walong-daang metro ang taas, SouthWest direction at bumagsak sa mga bayan ng Irosin at Juban.

Ito ang pangatlong ulit na nagbuga ng abo ang Mt. Bulusan mula noong Sabado kung saan higit na maiitim at makakapal ang usok na ibinuga nito kahapon.

Apektado ang mga barangay ng Cogon, Tinampo, Mombon, Irosin town proper at Bolos sa Irosin at ang Barangay Sangkayon sa Juban.

Pasado alas nueve kagabi ay may naitalang 44 kataong inilikas mula sa 13 pamilya mula sa Brgy. Cogon sa Irosin at nagpalipas ng magdamag sa Irosin municipal building.

Kaugnay nito, mahigpit pa ring pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na huwag papasok sa itinalagang 4-km permanent danger zones dahilan sa posibilidad ng mga biglaang pagbuga ng abo nito. Pinag-iingat din ang publiko lalo na ang malapit sa mga ilog dahilan sa posibilidad ng mga sediment-laden stream flows sakaling umulan ng malalakas.

Nananatiling nasa alert level 1 pa rin ang kondisyon ng Mt. Bulusan subalit ipinapayo din ng Phivolcs ang paglilikas sa mga apektadong residente lalo pa’t mapanganib sa kalusugan ang ibinubugang abo nito.

Samantala, sa isinagawang briefing ng PDRRMC at Regional OCD kahapon, iniulat ng provincial Health Office na nakaalerto din ang kanilang medical team at namahagi na rin sila partiKular sa bayan ng Casiguran ng 20 kahon ng salbutamol, isang yunit ng nebulizer, 400 na kopya ng Phivolcs advisory at 4 na kahon ng dust masks.

Ni-require naman ni OCD region V head Raffy Alejandro ang PDRRMC na patuloy na makipag-ugnayan sa isa’t-isa at gawin ang kani-kanilang papel bilang kasapi ng Council.

Sinabi pa ni Alejandro na dapat ay may malinaw na disaster plan upang matumbok ang mga kaukulang hakbang na dapat gawin sakaling may mga kaganapang tulad ng pagputok ng bulkan.

Sa kasalukuyan ay nasa close watch monitoring pa rin ang Phivolcs at ang mga kinauukulan ditto lalo pa’t mas mapanganib ang bulking bulusan kumpara sa tatlo pang aktibong bulkan sa Pilipinas dahilan sa ‘active-quiet-active’ nature nito.

Sa panayam kay Regional resident volcanologist Ed Laguerta na sa ngayon ay naririto at nakatutok ngayon sa aktiibidad ng Mt. Bulusan, sinabi nitong base sa physical condition lamang ng bulkan ang nakikita ng phivolcs sapagkat nanankaw noong 2006 ang instrumentong makaka-detect ng galaw sa loob ng bulkan kung kaya’t umapela din siya sa publiko na sana’y Makita na nito ngayon ang kahalagahan ng mga ninakaw na gamit noon.

Sinabi din ni Laguerta na sa ngayon ay phreatic explosion ang aktibidad ng bulkan, ibig sabihin, pawang abo lamang ang ibinubuga nito subalit hindi dapat ma-discount ang mga pagbabago ng aktibidad sapagkat ordinaryong nagaganap ang isang phreatic steam-driven explosion bago maganap ang mas malalaking pagsabog.

Inihayag din ni Laguerta ang resulta ng ginawang analysis ng abo na unang ibinuga ng Mt. Bulusan noong Sabado. Aniya, pawang mga old materials lamang ang mga ito at walang bagong component ng magma.

Ang mga bagong abong iniluwa ay muling ipapadala sa Manila upang ipasuri upang malaman kung may mga bagong materials na iniluwa ito. At kung sakali diumanong may mga bagong components na ito, magiging medyo delikado na ang mga pagputok na mangyayari.

Sinabi pa ni Laguerta na sa ngayon, geophysically (ibig sabihin ay ang mga earthquake components), geodetically (yung deformation/inflation ng bulkan) at geochemically (sulfur o pyroplastic content), ay wala pang mga big activites kung kaya wala pang mga magmatic eruptions, subalit kung magkausap-usap ito at maging magkakaugnay na, naroon na ang posibilidad ng pagbuga ng lahar.

Sa kasalukuyan ay patuloy din nilang inaantabayan kung mayroong magmatic episodes o eruptions na magaganap sa mga susunod na araw. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: