Tuesday, November 9, 2010

BULUSAN VOLCANO UPDATES

Tagalog News


SORSOGON PROVINCE – Sa kabila ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan simula pa noong Sabado, nagpapasalamat pa rin ang mga residente malapit sa paanan nito sapagkat sa kabuuan ay maganda pa rin ang lagay ng panahon dito, kahit pa nga may manaka-nakang mahinang pag-uulan.

Kahapon, sa pangunguna ni Casiguran Mayor Ester Hamor, namahagi na rin ng face mask sa ilang mga apektadong residente sa bayan ng Casiguran partikular sa mga matatanda, may sakit at maging sa mga bata.

Nagpulong-pulong na rin ang mga Municipal Disaster Risk Reduction Council sa mga bayan ng Bulusan at Irosin kasama ng mga kinatawan ng Regional OCD upang talakayin ang kanilang disaster plan sakaling lumala pa ang sitwasyon ng Mt. Bulusan.

Maliban sa Phil. Army at PNP, nakaantabay din ang mga tauhan at trak ng Bureau of Fire Protection para sa flushing sa mga pangunahing kalsada at sa search and rescue operations kung kakailanganin.

Sa ulat naman ng Philippine National Red Cross Sorsogon Chapter, ilang mga evacuees din ang naitala sa dalawang evacuation sites sa Casiguran, subalit sa gabi lamang ang mga ito namamalagi doon at umuuwi rin lang sa kanilang mga tahanan sa araw.

Nagsagawa rin ang PNRC chapter administrator at volunteers ng site assessment at patuloy din ang kanilang monitoring sa sitwasyon.

Ilang mga tauhan na rin ng Provincial Agriculture Office sa pangunguna ni Engr. Geronimo Divina ang sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sa Municipal Agriculture Officer ng Irosin at nagsasagawa ng assessment doon ukol sa mga apektadong sakahan doon.

Handa na rin ang Mt. Bulusan Watch ng DPWH ROV at Sorsogon 2 District office alinsunod na rin sa Disaster Plan ng Phivolcs. Tinukoy na rin ang mga alternatibong kalsadang daraanan ng mga motorista sakaling magkaroon ng malalakas na pagbuga ng abo.

Matatandaang dinaraanan ang mga pangunahing lansangan ng Casiguran Juban at Irosin ng mga motoristang papunta ng Visayas at Mindanao.

Sa kaugnay pa ring balita, kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng pagpupulong ang Provincial DRRMC kasama ng Regional OCD upang pag-usapan ang contingency measures kaugnay ng aktibidad ngayon ng Mt. Bulusan.

Nakatakda ding i-review ng NDRRMC ang PDRRMC Plan bilang paghahanda na rin sakaling tumaas ang alert level ng bulkan.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagtaas ng seismic activities ng Mt. Bulusan ayon na rin sa Phivolcs. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments: