Tuesday, February 15, 2011

Juban makakatanggap ng tulong mula sa ACF International


Sorsogon City, Feb 15 – Nasa proseso na ngayon ang pagsasaayos ng mga dokumento para sa malawakang pagtulong ng ACF-AECID, isang international non-government organization, sa pamahalaan ng Juban, Sorsogon partikular sa mga barangay ng Binanhuan at Beriran, na pawang sinalanta ng mga kalamidad.

Matatandaang una nang bumisita noong nakaraang buwan dito sa Sorsogon ang Action Against Hunger, na mas kilala sa buong mundo bilang ACF International (Accion Contre la Faim/ Contra El Hambre) layuning tuldukan ang nararanasang pagkagutom ng mga bansang apektado ng digmaan, karahasan at mga kalamidad.

Sa press release ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, napag-alamang tumulong na rin noon ang ACF International sa lalawigan sa pamamagitan ng agri-development, partikular na ang kagamitang pang-agrikultura, agri-seeds, repair o rehabilitation ng mga water systems at iba pa.
 
Ayon sa ACF, sa pagkakataong ito ay mamamahagi sila ng food aid and hygiene items sa 416 beneficiaries at agricultural assistance naman para sa 114 beneficiaries ng dalawang barangay.
Sa Resolution No. 7 na naaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Juban noong nakaraang Enero 24, 2011, nakapaloob dito ang Memorandum Of Understanding (MOU) sa pagitan nina Mayor Jimmy J. Fragata, ACF International at ng mga Barangay Local Government Units ng Binanhuan at Beriran na nagbibigay pahintulot sa ACF-AECID ng emergency intervention sa loob ng dalawang buwan sa Brgy. Binanhuan at Beriran na itinuturing na highly vulnerable areas.

Sinabi naman kay Rico Bentulan, Head of Base ng grupo, na maglalaan din ang lokal na pamahalaan ng espasyo para sa staff at mga pasilidad na gagamitin ng ACF para sa kanilang malalimang monitoring. Napakahalaga aniya nito para sa kanilang assessment at validation dahil ito ang kanilang pagbabatayan sa magiging resulta ng mga gaganaping aktibidad. (Von Labalan-PIO)



No comments: