PDRRMC at mga punong-bayan sa Sorsogon nakatakdang magpulong
Sorsogon City –Nakatakdang pulungin ni Governor at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Chairman Raul R. Lee sa tanggapan nito ang lahat ng mga punong-bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon bukas ng umaga, Pebrero 15.
Layunin ng pagpupulong na magkaroon ng post disaster assessment lalo na yaong may kaugnayan sa mga nagdaang kalamidad dito sa lalawigan at sa ginampanang tungkulin ng bawat alkaldeng dadalo bilang pinuno ng Municipal DRRMC sa kanilang nasasakupan.
Magugunitang halos walang pahinga ang DRRM Councils nitong nagdaang tatlong buwan bunsod ng muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan at matitinding ulan na nagdulot ng flashflood, pagragasa ng lahar at landslides sa ilang mga barangay.
Sa kasagsagan nito ay maka-ilang beses na nagsilikas ang mga apektadong mamamayan, lalo na yaong mga nakatira malapit sa paanan ng bulkan o sa tabing-ilog.
Ito rin ang dahilan kung kaya’t nag-deklara ng state of calamity ang mga bayan ng Juban at Irosin.
Sa harap nito ay malaki ang naitulong ng bawat MDRRMC sa kanilang ginawang maagap na emergency response at mitigation effort, lalo na ang koordinasyon ng bawat sangay na sangkot sa layunin ng PDRRMC alinsunod sa ipinatutupad na Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Act of 2010, o ang P.D. 10121.
Hindi rin maisasantabi ang ipinaabot na tulong ng mga pribadong ahensya tulad ng World Vision, Greenpeace, World Food Program ng USAID, ACF International at iba pa, gayundin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Sa isasagawang pagpupulong ay inaasahang ilalahad ang ulat ng bawat alkalde ng bayan dito sa Sorsogon partikular ang naging mga karanasan ng nasalantang lugar at ang ginawang mga paraan ng pagtugon para sa kaligtasan ng kanilang mga mamamayan. na maaari ding pamarisan ng iba pang lokal na pamahalaan dito at maging sa labas ng lalawigan.
Sa pangunguna ng PDRRMC Chairman ay tatalakayin din sa naturang pagpupulong ang mga bagay na dapat pang maiwasto at kailangang pagtibayin upang matiyak ang kahandaan ng lalawigan sa mga sitwasyong may kalamidad. (Von Labalan-PIO)
No comments:
Post a Comment