Friday, February 18, 2011

Tagalog News


Sorsogon City nananatili pa ring may pinakamataas na crime volume rate sa lalawigan sa taong 2010
By: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, (PIA) – Mula Enero hanggang Disyembre noong nakaraang taon, ang Sorsogon City pa rin ang may pinakamataas na crime incident rate sa buong lalawigan ng Sorsogon.

Kasama sa kabuuang bilang na ito ang mga kasong mula sa mga barangay sa iba’t-ibang mga munisipalidad at lungsod.

Sa statistical record ng Sorsogon Police Provincial Office isangdaan limampo ang index crime committed sa Sorsogon City at sinusundan ito ng mga bayan ng Irosin na may walumpu’t dalawa, Bulan at castilla na may limampu’t-pito, at Juban na may limampu’t-lima. Pinakamababa dito ang Barcelona at Sta Magdalena na labing-anim lamang sa buong taon.

Tulad ng taong 2009, lumalabas na physical injury ang pinakamataas na index crime habang sinusundan ito ng mga kaso ng theft, robbery at murder.

Nakapagtala naman ng animnaraan animnapu’t-pitong index crimes o mabibigat na krimen ang Philippine National Police Provincial Command sa lalawigan ng Sorsogon sa buong taon ng 2010 habang 1,328 naman ang naitalang non-index crime.

Sa kabuuang bilang ng mga krimeng naganap dito, isangdaan at anim ang konsideradong solved cases na ang ibig sabihin ay nasampahan na ng kaso at naaresto ang mga suspek habang nasa tatlong-daan pitumpu’t-pito naman ang cleared kung saan nasampahan na ng kaso ang suspek subalit nananatiling at large ito at pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa kabuuan nasa 15.06 ang average monthly crime rate ng lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay Police Provincial Director PSSupt Heriberto Olitoquit, sa kabila ng mga nailahad na istatistiko, maituturing pa ring generally peaceful ang lalawigan ng Sorsogon lalo pa’t karamihan sa mga suspek ay nasampahan na ng kaso habang ang iba naman ay naaresto na rin.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin aniya ang kampanya ng mga kapulisan laban sa kriminalidad at ang panawagan sa publiko na makiisa at suportahan ang kanilang kampanya laban sa krimen at ireport agad sa mga kinauukulan ang anumang mga paglabag sa batas na nalalaman ng mga ito. (PIA Sorsogon)

No comments: