Sorsogon City – Nasa proseso pa rin ang Philippine Coast Guard Sorsogon sa beripikasyon ng kalagayan ng apat na mangingisdang taga-Bulan Sorsogon na naiulat na nawawala halos ay tatlong araw na ngayon.
Ayon kay PCG Sorsogon Station Commander LtJG Ronnie Ong may ulat silang nakuha kagabi na buhay ang apat na mangingisda at sa kasalukuyan ay nasa Puting Baybay sa Claveria, Masbate at nasa pangangalaga ng isang nagngangalang Mr. Apek.
Ayon kay Ong naipaabot na sa kanila ang tinitirhan at contact number ng kumukupkop sa apat na mangingisda subalit hirap silang makontak ito.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa local officials ng Claveria, Masbate at Bulan, Sorsogon upang matiyak na buhay at ligtas ang mga mangingisdang kinilalang sina Ariel at Jesus Guapo at Ricardo at Jun-Jun Gipa na pawang mga taga-Zone2, Bulan, Sorsogon.
Matatandaang sa ulat na ipinaabot ng isang tripulante, nagkaroon diumano ng butas ang kanilang bangka sanhi ng malalaking hampas ng alon at malakas na hangin, kung kaya’t sumaklolo na si Danny Baron, ang may-ari ng bangka. Subalit tanging ang bangkang sinakyan ng apat na mangingisda ang natagpuan sa bahagi ng karagatan ng Calumay, Claveria, Masbate, ngunit di na nito nakita ang apat na tripulante.
Ayon kay Ong, may mga tauhan na rin siang nakatakdang pumunta ngayon sa lugar kung saan naroroon diumano ang mga mangingisda upang maibalik na ito sa kanilang mga pamilya. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment