Friday, February 4, 2011

Tagalog News


Pagbasa sa Proposed Anti-Plastic Bag Ordinance, sinimulan na
By: Jun Tumalad

Sorsogon City, February 4 – Sinimulan na noong Martes ang unang pagbasa ng isinusulong na ordinansa laban sa paggamit ng mga plastic bags na pambalot sa mga isda, gulay, prutas, gamot at mga grocery items ng mga pangunahing malalaking tindahan sa syudad ng sorsogon.

Sa ginawang pagbasa ng konseho, inimbitahan ang mga negosyante dito na syang unang maapektuhan ng ordinansa upang maihanda sila sakaling maisabatas na ito. Nagkaroon ng malayang diskusyon sa pagitan ng konseho at business operators kung saan kaalinsabay nito ang kanilang pakiusap na kung maari ay bigyan pa sila ng kaunting panahon upang mapaghandaan ang isinusulong na ordinansa.

Ipinaliwanag ni Konsehal Rogelio Jebulan Jr., ang may akda ng ordinansa, ang epekto ng patuloy na paggamit ng plastic bags na daang taon din bago mabulok at kontribusyon nito sa climate change at global warming na nararanasan na hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Iminungkahi din ang paggamit ng bayong bilang alternatibong pamalit sa plastic bag na gawa rin dito sa Sorsogon. Aniya, maliban sa makakabawas na sa polusyon ay makakatulong pa na makalikha ng hanap-buhay sa mga sorsoganon ang ordinansang ito.

Ipinaliwanag din niya na may advisory committee sa konseho na syang mag-aayos ng mga problema sakaling magkaroon man.

Sinabi ni Jebulan na sa ikalawang pagbasa ay binibigyan ng dalawang linggong palugit ang mga negosyante na maghain ng kanilang proposal kung mayroon din silang mga suhestiyon na nais iparating.

Binigay nyang halimbawa ang lugar sa Muntinlupa C ity kung saan bawal na talaga ang paggamit ng plastic bag.

Malaking ambag aniya kapag naaprubahan ang anti-plastic ordinance sapagkat bababa ang bilang ng basurang hinahakot ng mga basurero, bawat isa ay magkakaroon na ng partisipasyon at disiplina sa pagtatapon ng basura na maaring tularan ng susunod na henerasyon. (PIA Sorsogon)



No comments: