Wednesday, February 2, 2011

News Release


Balig-ang at Gumihan iminumungkahing gawing Bicol landmark fruits ng DENR-EMB5
By: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, February 1 – Kasabay ng pagbabago ng panahon ay ang pagkakawala na rin ng ilang masasarap na prutas na tanging dito lamang sa rehiyon ng Bicol matatagpuan.

Ilan sa mga ito ay ang Balig-ang at Gumihan na natural na tumutubo lamang sa mga ilang na lugar at nagbibigay ng matatamis na prutas lalo na sa buwan ng Mayo at Hunyo. Ang Gumihan na may scientific name na artocarpus sericicarpus ay maihahalintulad sa Marang subalit higit na masarap at matamis ito.

Habang ang Balig-ang naman na na may scientific name na Syzygium curanii na naihahalintulad naman sa duhat ay higit na masarap dahilan sa manamis-namis at maasim-asim na lasa nito.

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga prutas na kung hindi maaalagaan ay tuluyan nang hindi makikilala lalo na ng mga henerasyong darating . Kung kaya’t ayon kay Forester Fernando P. Quilanan, ang bagong DENR-Environment Management Bureau Bicol Regional Technical Director, masigasig siyang mapangalagaan at maparami ang mga puno nito.

Kaugnay nito, noong nakaraang execom meeting ng Bacon Geothermal Multi-Partite Monitoring Team ay iminungkahi ni Quilanan na gawing landmark fruits ang Balig-ang at Gumihan maliban sa dati nang kilalang pili ng Bicol.

Kung mayroon aniyang Durian Festival sa Davao at Lanzones Festival sa Camiguin, maari din umanong magkaroon ng Gumihan at Balig-ang Festival dito sa Bicol na kung mapagpaplanuhan at maipatutupad ng mabuti at tiyak na kukumpetinsya sa mga festivals na ito.

Target ngayon ni Quilanan ang 250,000-hectare reservation area ng Energy Development Corporation dito sa Bicol na gawing pilot area para sa pagpaparami ng mga puno nito kung saan makapagbibigay ito ng alternatibong kabuhayan sa mga residente at magbibigay din ng dagdag pagkain sa mga malalaking paniking matatagpuan sa EDC-Bacman area.

At upang mapasikat pa ang mga prutas na ito ay pinagpaplanuhan ng EMB ngayon ang posibilidad ng pagsasagawa ng patimpalak ngayong taon sa kung sino ang makapagdadala ng pinakamalaki at pinakamatamis na Gumihan at Balig-ang.

Suportado naman ito ni dating gobernador ng Sorosogon Sally Lee na ngayon ay executive director ng Sorsogon Provincial Management Office. Aniya’y kung maisasakatuparan ito, matutugunan nito hindi lamang ang suliranin sa kapaligiran kundi maging sa pangunahing target ng Mellinenum Development Goal, ang pagtugon sa kahirapan at kagutuman. (PIA Sorsogon)

No comments: