Monday, June 13, 2011

3rd Special Forces Company ng Phil. Army umani ng papuri


Sorsogon City, June 13 (PIA) – Umani ng ibayong pagpuri mula sa publiko ang ginawang static display, capability demonstration at Waka-waka dance number ng mga piling tauhan ng 3rd Special Forces Company ng Philippine Army na nakabase sa Brgy. Bayasong, Pilar, Sorsogon sa ginawang selebrasyon ng ika-113th Araw ng Kalayaan kahapon sa Provincial Capitol Park dito sa lungsod ng Sorsogon. 
 
Ayon kay Capt. Francis Espiritu, Commanding Officer, 3rd Special Forces Company ang ipinakita ng mga tauhan ng Philippine Army ay patunay lamang ng kapabilidad ng AFP at angking galing ng mga  militar sa larangan ng pakikipaglaban upang mapanatili ang tunay na kalayaan sa bansa at maging sa larangan ng pagbibigay kasiyahan at pagpapanatili ng magandang relasyon sa mga mamamayan.

Alas syete kinse ng umaga ng opisyal na simulan ang seremonya sa pamamagitan ng Opening Prayer Tableau ng Community-Based Theater Group (CBTG). Agad ding isinunod ang Pambansang Awit ng Pilipinas sa pangunguna ng Himig Kapitolyo, sinundan ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Sorsogon City Mayor Leovic R. Dioneda, at pag-aalay ng mga bulaklak sa paanan ng munumento ni Pamabansang Bayani Dr. Jose P. Rizal.

Matapos ang pagpakitang gilas ng mga militar ay inimbitahan ang publiko para sa picture taking sa iba’t-ibang mga military vehicles tulad ng armored cars, mortars at 6 by 6 trucks na nakadisplay sa isang istratehikong lugar ng Provincial Capitol grounds. Maging ang mga K-9 dogs ay nagmistula ding mga artistang kasama sa picture taking.

Matatandaang Biyernes ng hapon pa lamang ay sinimulan na ang artillery display ng Philippine Army na naging instant public destination partikular ng mga taga-lungsod ng Sorsogon dahilan upang hilingin ni Sorsogon Governor Raul Lee kay 903rd Brigade Commanding Officer Brig. Gen. Felix Castro na palawigin pa ng isang araw ang kanilang artillery display.
 
Sa ekslusibong pahayag, sinabi naman ni Gov. Lee na nararapat lamang na gunitain ng publiko ang Araw ng Kalayaan at isapuso ang pagsasakripisyong ginawa ng mga bayani ng bansa makamit lamang ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon.

Samantala, nagsagawa rin ng pagmamartsa sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng lungsod ng Sorsogon ang halos ay limang-daang kasapi ng mga militanteng grupo, panawagan ng mga ito ang patuloy pang pagpupunyagi ng pamahalaan upang makamit diumano ang tunay na kapayapaan ng bansang Pilipinas. (Bennie A. Recebido/PIA Sorsogon)

PIA SIC workforce
 

No comments: