Tuesday, June 14, 2011

BIR Sorsogon doble kayod sa kanilang koleksyon ng buwis

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 14 (PIA) – Doble kayod ngayon ang Bureau of Internal Revenue Sorsogon Revenue District Office upang maabot ang tax collection goal ng kanilang ahensya ngayong buwan ng Hunyo.

Ito ang naging pahayag ni Sorsogon Revenue District Officer Ma. Thelma Pulhin matapos na bumagsak ang kanilang koleksyon sa buwis nitong Mayo ngayong taon.

Matatandaang noong nakaraang taon, target ng ahensya ang P40 milyong tax collection subalit umabot lamang sa P36 milyon ang kanilang nakolekta.

Sinabi ni Pulhin na naging malaking kawalan sa kanila ang halos ay P1.4 milyon na dati ay nakukuha nila mula sa operasyon ng National Power Grid Corporation, subalit nang mabili na ito ng Lopez Group of Companies ay sa national office na ito nagbabayad sapagkat naroroon ang mother company nito.

Dagdag din niya na kung noong 2010, nakapagbayad ang provincial government ng Sorsogon ng P6.8 milyon para sa tax remittance advise (TRA), sa ngayon ay umabot lamang ito sa P3.2 milyon, mas mababa ng higit sa kalahati.

Samantala, inamin ni Pulhin na hindi nila makakayang punuan agad ang target collection ng kanilang ahensya, kung kaya’t doble ang kanilang kayod ngayon sa pagsingil sa mga utang sa kanila ng bawat Local Government Unit dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Nagsasagawa din sila umano ng tax mapping at pagtukoy sa mga delingkwenteng tax payers upang mabigyan ng kaukulang aksyon ang hindi nila pagbabayad ng buwis sa itinakdang panahon.

Sa kabuuan, nakapagtala na ang BIR Revenue District office ng animnapu’t pitong delinquent tax payers sa buong lalawigan. (PIA Sorsogon)




No comments: