Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 16 (PIA) – Tiniyak ni National Food Authority (NFA) Sorsogon Manager Edna De Guzman na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa lalawigan ng Sorsogon at nananatili pa rin sa P25 hanggang P27 ang halaga ng bawat kilo ng bigas sa mga pamilihan.
Aniya, ito pa rin ang ipinatutupad na patakaran ng NFA Sorsogon upang hindi mabulok ang mga stock nila ng bigas, lalo pa ngayon na dumating na ang alokasyon ng bigas para sa kasalukuyang taon.
Sinabi pa ni De Guzman na mayroong dalawampu’t anim na libong sako ng bigas mula sa Vietnam ang dumating sa rehiyon ng Bicol kung saan limapung libo nito ay nakalaan sa lalawigan ng Sorsogon.
Aminado din si De Guzman na mahigpit nilang ipinatutupad ang “First In, First Out” police dahilan sa sapat pa rin ang stock ng bigas sa lalawigan hanggang sa huling buwan ng taong 2011.
Ang pananatili din diumano ng halaga ng bigas sa P25 hanggang P27 sa mga pamilihan ay dahilan na rin sa magandang produksyon ng palay noong nakaraang anihan. (HBinaya/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment