Thursday, June 16, 2011

PSWDO, aktibo sa pagpapaigting pa ng Anti-Child Labor Program


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 15 (PIA) – Aktibo ang Sorsogon Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pagpapaigting ng kanilang programa sa pagbuwag ng child labor at child trafficking dito sa lalawigan ng Sorsogon lalo pa’t nakabilang ito sa binuong Convergence Action Plan ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni PSWDO assistant chief Myra Relativo, na isinumite na nila sa DOLE ang mga datos galling sa mga munisipyo na magbibigay ng kaukulang livelihood assistance program para sa mga biktima ng child labor.

Matatandaang dati nang inihayag ni Department of Labor and Employment Sorsogon Field Officer Imelda Romanillos na nagpapatuloy ang kanilang adbokasiya sa pagbibigay ng livelihood assistance para sa mga magulang ng mga aydentipikadong bata na nagtatrabaho na sa murang edad.

Matatandaan ding noong nakaraang taon, base sa masterlist na hawak ng DOLE, mayroon na silang 138 na mga batang nasasangkot hindi lamang sa child labor kundi pati na rin sa human trafficking.

Kaugnay nito, higit pa nilang pinalalakas ngayon ang pwersa ng mga ahensya na kasapi sa binuong Convergence Action Plan alinsunod na rin sa atas ng Repyublic Act 9231 na naglalayong maprotektahan ang karapatan ng mga bata at mabigyang solusyon ang suliranin sa child labor at mahigpit na maipatupad ang RA 9208 o ang Anti-Human Trafficking Act of 2003. (PIA Sorsogon)



No comments: