Monday, September 5, 2011

“Dalagan sa Kadlagan 2011” naging matagumpay, panibagong aktibidad muling pinagpaplanuhan ng Bulusan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 5 (PIA) – Matapos ang matagumpay na “Dalagan sa Kadlagan 2011” noong ika-28 ng Agosto, nais ng Pamahalaang Bayan ng Bulusan, Sorsogon na muling masundan agad ito ng isa pang malaking aktibidad kung kaya’t ngayon pa lang ay inatasan na ni Bulusan Mayor Michael Guysayko ang kanyang mga tauhan na simulan na ang pagbubuo ng mga panibagong plano.

Ayon kay Mayor Guysayko, sa pamamagitan ng isinagawa nilang National Bulusan Eco Trail Running Cup 2011 na tinagurian nilang “Dalagan sa Kadlagan 2011” ay matagumpay nilang nakamit ang kanilang layuning mailigtas ang buhay at kakahuyan sa Bulusan. Maliban dito ay naipakilala at naisulong din nila ang turismo sa kanilang bayan na isa rin sa kanilang pangunahing adhikain.

Umabot sa 187 na mananakbo ang lumahok mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kabilang na ang dalawang kalahok mula sa Kenya na sina Susan Jemuti na nanalo rin bilang 1st placer sa 21-km team category at si Peris Poywo.

Maging si dating gobernador Sally A. Lee at iba pang mga matataas na opisyal sa Sorsogon ay nakilahok din sa pagtakbo. Buo naman ang ipinakitang suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon, Department of Tourism, Department of Education, Philippine National Police, Land Transportation Commission, Bicol University at mga kasapi ng iba’t-ibang mga media networks, lokal man at hindi.

Maliban sa pagtakbo, nagkaroon din ng pagtatanim ng mga puno na nilahukan naman ng Girl Scout of the Philippines, DepEd, mga kinatawan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga panauhin.

Kabilang sa mga events ay ang 21-km run at ang 5-km run na hinati sa individual at group category. Maliban sa mga cash prizes na P3,000, P5,000, P8,00, P20,000, P30,00, P35,000 at P50,000 para sa 1st prize cash award, nakatanggap din ang mga nanalo ng gift certificate mula sa Toby’s Family Foods.

Ang aktibidad ay isinagawa bilang bahagi ng suporta ng pamahalaang bayan ng Bulusan sa pagdiriwang ng International Year of the Forest at ng isinusulong na National Greening Program ng pamahalaang nasyunal.

Naniniwala naman si Mayor Guysayko na sa pamamagitan ng masusing pagpaplano at networking sa mga magiging partner nila, magiging kasing tagumpay kung hindi man mahihigitan ang mga susunod pa nilang aktibidad, kung kaya’t ngayon pa lamang diumano ay nagpapasalamat na siya sa mga susuporta dito. (PIA Sorsogon)

No comments: