Friday, September 9, 2011

Kasanggayahan Festival 2011 Press Conference isasagawa


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, September 9 (PIA) – Isang press conference ang isinasagawa ngayon kaugnay ng mga gagawing aktibidad ng Kasanggayahan Festival sa susunod na buwan ngayong taon.

Layunin ng press conference na maiprisinta ang pinal at aprubadong mga aktibidad sa Kasanggayahan Festival 2011 ngayong Oktubre kung saan mayroon itong aktibidad sa kultura at sining, tugtugan at sayawan, industriya at kalakal, sports events, socials, special interest at self development. 

Subalit nilinaw ni Michael B. Sulit, Sorsoganon Kita, Inc. President na nanatili pa ring bukas para sa mga obserbasyon, komento at suhestyon ang mga ipiprisintang aktibidad upang matiyak na magiging matagumpay ang gagawing festival ngayong taon.

Ilan sa mga bagong aktibidad na ilulunsad ay ang Piridalan sa Dalan, Singing Councilors, Choral Competition, Sorsogon Idol, Rokyaw Kasanggayahan kung saan pararangalan ang mga natatanging Sorsoganon, Photography Workshop, Bridal Fair, National Body  Contour, Regional Band and Majorette Competition, Regional Cooperative Congress at Mardi Gras.

Habang ang mga aktibidad namang sa tuwina ay inaabangan na ng publiko ay ang Historico Cultural Parade, Inter-Municipal Drum and Lyre Competition, Gibalong Mass, Sorsogon Heritage Lecture at Pantomina sa Tinampo.

May temang Going Beyond: Public-Private Partnership Towards Sustainable Development, opisyal na magsisimula ang naturang festival sa unang araw ng Oktubre na magtatagal ng isang buwan.

Napili umano ang temang ito bilang paalala sa lahat ng mga stakeholders na tuparin ang kani-kanilang mga papel na ginagampanan sa pag-unlad ng Sorsogon at sa pagsusulong ng positibong samahan ng mga pampubliko at pampribadong sector. (PIA Sorsogon)

No comments: