Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
Lungsod ng Sorsogon, September 6 (PIA) – Maraming mga guro dito ang naghayag ng kanilang sintemyento kaugnay ng hindi malinaw na direktibang ipinapalabas ng pamunuan ng City Schools Division sa tuwing nagkakaroon ng transport strike.
Ayon sa ilang mga guro partikular sa Sorsogon East Central School, nadismaya sila sa inihayag na paninindigan ni City Scools Division Superintendent Dr. Virgilio Real sa isang panayam sa radyo noong ika-31 ng Agosto, 2011, araw ng tigil-pasada sa buong rehiyon ng Bicol, na may pasok at hindi dapat na maging hadlang sa operasyon ng mga paaralan ang transport strike.
Nadismaya man ay pinilit pa rin nila diumanong pumasok kahit pa nga alam nilang maaari silang mahirapan sa pagsakay, makapagsagawa lamang ng klase.
Subalit bandang als-otso y medya ng umaga ay may ipinadala diumanong text message instruction mula kay Dr. Real para sa mga school principal na nagsasabing kanselahin na lamang ang klase dahilan sa maliit na bilang ng mga guro at mag-aaral na pumasok at bayaran na lamang ito ng make-up class sa araw ng Sabado.
Dahilan dito, umapela ang mga guro na tuluyan na lamang kanselahin ang klase sa tuwing magkakaroon ng transport strike sapagkat nadodoble lamang ang kanilang pagod.
Sa naging obserbasyon ng PIA Sorsogon noong Sabado, halos ay nasa 80 porsyento lamang ang pumasok na mga guro dahilan sa ang iba ay nanindigan ring maghapon silang namalagi sa paaralan noong araw ng strike kung kaya’t wala umano silang nilibang araw.
Ganito rin ang naging sintemyento ng mga magulang kung kaya’t umapela rin ang mga ito sa mga awtoridad ng paaralan na gawin na lamang general rule ang pagkansela sa mga klase sa tuwing may mga ginagawang tigil-pasada. Nagdadala daw kasi ng kalituhan sa mga mag-aaral at mga magulang kung hindi direktang kinakansela ang klase sapagakat papasukin nila ngunit pauuwiin rin lang naman at pagbabayarin pa rin ng make-up class ang mga mag-aaral at guro. Nagiging doble din diumano ang kanilang gastos at pag-aalala sa ganitong sitwasyon.
Sa kasalukuyan, sinununod ng mga paaralan ang omnibus school and office rules and decorum kung saan hindi dapat na makahadlang ang transport strike sa operasyon ng DepEd. Sususpinihin lamang umano ang klase kung may atas mula sa regional office ng DepEd. (BAR, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment