Thursday, September 8, 2011

Publiko pinag-iingat pa rin laban sa mga karneng hindi dumaan sa tamang inspeksyon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 8 (PIA) – Kalusugan pa rin ang pinakapangunahing dapat na pag-ingatan ng publiko.

Kung kaya’t muling pinaalalahanan ng mga awtoridad dito ang publiko na maging maingat at suriing mabuti ang mga binibili nilang karne sa palengke at iba pang mga tindahan.

Ayon kay Veterinary Technician at In-Charge for Media Affairs Arwill Liwanag, sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga karneng ‘botcha’ o ‘double dead meat’ sa ibang mga lugar, kinakailangang doblehin pa lalo ng mga Sorsoganon ang pag-iingat at hindi dapat na hayaang makapasok ang ganitong kalakal dito.

Sinabi din niyang magkakaiba ang ‘botcha’ ang hot meat sapagkat ang hot meat ay yaong mga karneng hindi dumaan sa slaughter house at sa tamang inspeksyon.

ANiya, sa ngayon ay tanging mga karneng walang sapat na dokumento at hindi dumaan sa tamang inspeksyon ang mga nasasabat nila. Ang mga nakukumpiska nila diumano ay idini-dispose nila ng maayos upang kung sakaling may sakit ang mga hayop na kinatay ay hindi na makahawa pa ito sa mga taong kakain nito.

Ayon naman sa National Meat inspection Service (NMIS), madaling makilala ang “botcha’ o ‘double dead meat’ sapagkat maputla at may kakaibang amoy na ang karne, madulas o malagkit pag hinahawakan, walang tatak ng NMIS at hindi gaanong natanggalan ng mga balahibo dahil kadalasang mabilisang kinatay ito.

Dapat din umanong iwasan ang pagbili ng mga matagal nang nakaimbak o nabubulok nang karne. Suriin din ang mga processed foods na binibili tulad ng longganisa sapagkat may mga ibinebentang itinatago angamoy o pagkabulok ng karne sa pamamagitan ng paglalagay ng maraming bawang at pagbabad nito sa tawas upang maalis ang pagiging maputla ng karne at kakaibang amoy nito. (PIA Sorsogon)



No comments: