Thursday, November 10, 2011

111,111 mga puno target maitanim sa Nobyembre 11, 2011


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 10 (PIA) – Bilang pagpapaigting pa ng National Greening Program (NGP) ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III, magkakaroon ng massive tree planting activity dito kung saan target na maitanim ang 111,111 na mga puno.

Ayon kay Community Environment and Natural Resources Officer In charge Forester Crisanta Marlene P. Rodriguez, inisyatiba ito ni Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias B. Ramos, Jr. kung saan ang bilang ng itatanim na puno ay halaw sa numerong 11-11-11 o Nobyembre 11, 2011 na nilalayong makapagtanim ng 111,111 mga puno sa lalawigan ng Sorsogon.

Tatlong mga barangay sa bayan ng Gubat, Prieto Diaz at Barcelona ang tataniman ng mga bakawan habang mga puno naman ng pili, mahogany at iba pang mga namumungang puno ang itatanim sa anim na barangay na sakop ng mga bayan ng Bulan, Bulusan, Matnog at Juban.

Kaugnay nito, inanyayahan ni Rodriguez ang publiko na makiisa sa gagawing massive tree planting activity bukas kung saan pangungunahan ito ng CENRO, Local Government Unit at mga residente sa barangay ng mga target na lugar. (PIA Sorsogon)






No comments: